Pangulong Bongbong Marcos bumisita sa Bicol, namahagi ng ayuda
LEGAZPI CITY, Albay - Libu-libong mga Bicolano ang nakinabang sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Bicol kahapon matapos siyang personal na mamahagi ng ayuda sa mga magsasaka, mangingisda at naghihirap na pamilyang Bicolano na naapektuhan ng nakalipas na tagtuyot sa rehiyon.
Kasama ng Pangulo sa pagbibisita ang ilang miyembro ng kanyang mga Gabinete na sina DILG Sec.Benjamin Benhur Abalos Jr., DAR Sec. Conrado Estrella, DSWD Sec. Rex Gatchalian, Sec Francisco Tiu Laurel Jr. ng Department of Agriculture at House Speaker Martin Romualdez.
Masayang sinalubong ang grupo ng Pangulo ng mga mamamayan sa pangunguna ng mga lokal na opisyal, alkalde, congressman at gobernador ng anim na lalawigan sa Bicol region.
Unang pinuntahan ng Pangulo ang Camarines Sur kung saan katuwang si Sec. Estrella ay namigay siya ng mga land titles sa mga benipisyaryo mula sa ibat-ibang bayan ng Camarines Sur, Camarines Norte at Albay sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng DAR.
Kasunod nito, bumiyahe si Marcos sa Albay, at sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and Families program (PAFF) at AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita Program) ay namahagi siya ng tig-P10,000 ayuda sa may limang libong magsasaka at mangingisda mula sa Sorsogon, Catanduanes at Masbate.
Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nito na P50 milyon ang inihanda ng kanyang gobyerno upang ipamahagi sa mga hirap na mangingisda at magsasaka sa naturang mga lalawigan.
Bukod dito ay namahagi ang Pangulo ng mga binhing pananim, fertilizers at farm machineries sa mga magsasaka at fiber banca, at iba pang gamit para sa mga mangingisda.
Lahat ng dumalo ay binigyan pa ng tig-5 kilong bigas.
- Latest