Bong Go umayuda sa mga miyembro ng TODA, kooperatiba sa Albay
MANILA, Philippines — Personal na nagbigay ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ng Legazpi City at Daraga, Albay, gayundin sa mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba sa Bicol Region.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng patuloy na suporta ng gobyerno para sa mga Pilipino, partikular sa mga kabuhayan na naapektuhan ng iba’t ibang krisis.
Idinaos sa Albay Astrodome sa Legazpi City, pinuri ni Go ang pagsisikap ng mga lokal na opisyal na naroroon, sa pangunguna ni Gobernador Grex Lagman at Legazpi City Councilor Carol Ziga at iba pa, para tiyakin na ang kanilang mga nasasakupan ay matulungan.
Hinikayat sila ni Go na ipagpatuloy ang pagpaunlad sa Legazpi City at sa buong lalawigan ng Albay.
“Ako po’y nagpapasalamat sa inyo. Ako po’y hindi politiko. Magtatrabaho lang po ako para sa Pilipino sa abot ng aking makakaya. At kahit saang sulok kayo ng Pilipinas pupuntahan ko kayo basta kaya po ng aking katawan at panahon,” ani Go.
Si Go, at ang kanyang Malasakit Team ay namahagi sa mga miyembro ng TODA ng grocery packs, meryenda, bitamina, masks, kamiseta, bag, basketball, at volleyball.
At sa pagtutulungan nina Senator Go at Gobernador Lagman, nasa 2,000 kwalipikadong miyembro ng TODA ang nakatanggap ng suportang pinansyal mula sa lokal na pamahalaan.
Nakatanggap din ang mga miyembro ng kooperatiba ng tulong mula kay Senator Go.
Ang mga miyembro ng 23 kooperatiba mula sa Bicol region ay nakinabang sa ‘Malasakit sa Kooperatiba’ program ng Cooperative Development Authority na itinaguyod ni Senator Go.
- Latest