PPA nakatakda pang magbukas ng mga karagdagang pantalan, terminal
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagbubukas ng bago at mas pinalaking passenger terminal ng Batangas Port nitong nakaraang linggo (Abril 26, 2024), na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inanunsyo ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang mga karagdagang proyektong dapat pang abangan sa PPA.
Ayon kay GM Santiago, bukod sa inaasahang 300,000 tourists arrival mula sa mga cruise ships na dadaong ngayong taon, kasado na rin umano ang mga cruise-dedicated passenger terminal na bubuksan ng PPA bago magtapos ang taon gaya ng Siargao Port at Coron cruise terminal sa Palawan sa mga susunod na taon.
“Other than mga ports na ini-improve natin, nag coconstruct na tayo ngayon ng mga dedicated cruise terminals no, mga identified natin at ongoing na cruise dedicated terminals, like sa Siargao hopefully by the third quarter operational na ang Siargao cruise terminal natin, sa Coron, Palawan may cruise terminal din, nandyan ‘yung sa Currimao Ilocos Norte, nandyan ‘yung Salomague ports sa Ilocos Sur and we’ve also constructed cruise dedicated terminal natin sa Buruanga, Aklan and marami pa tayong locations na sisimulan for cruise destination dagdag mo na dyan ‘yung sa Camiguin na naka-line up,” dagdag ni GM Santiago.
Bukod sa mga cruise dedicated terminals, tuluy-tuloy rin ang konstruksyon ng PPA ng mga bagong passenger terminal building sa bansa kabilang ang pagpapalawak ng terminal sa Zamboanga na inaasahan ding bubuksan ngayong taon.
Sa katatapos lamang na inagurasyon ng Batangas Port, matatandaang nabigyang pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga modernong pasilidad para sa kaginhawaan ng byahe ng mga pasahero.
Kumpiyansa naman ang PPA na kasabay ng pagpapalawak ng mga pantalan ay ang karagdagang oportunidad para sa mga Pilipinong gumagamit at nakapaligid sa pantalan.
Samantala, nagkaroon na rin ng inisyal na pag-uusap ang PPA at ang MARINA para sa karagdagang barko sa mga pantalan dahil sa rami ng mga pasaherong gumagamit ng pantalan.
- Latest