LTFRB bago April 15 tigil-pasada: Hayaang pumasada nais pumasada
MANILA, Philippines — Umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper at operator ng jeep at UV Express na huwag pigilang pumasada ang mga walang balak sumali sa tigil-pasada sa susunod na linggo.
Ito ang pahayag ng LTFRB matapos inanunsyo ng PISTON at Manibela ang isang transport strike sa Lunes laban sa deadline ng "franchise consolidation" pagsapit ng ika-30 ng Abril, bagay na magdudulot aniya ng kawalang trabaho sa libu-libong tsuper.
"The LTFRB urges those participating in the strike not to prevent other jeepney drivers from making a living as they need to provide for their families and our commuters," apela ni LTFRB chairperson Toofilo Guadiz III sa isang pahayag kagabi.
"Jeepney operators are urged to avail of the final extension, as those who fail to consolidate by the deadline will have their franchises revoked."
Meron na lang katapusan ng Abril ang mga tsuper at operator para magkonsolida sa mga kooperatiba at korporasyon bilang bahagi ng public utility vehicle (PUV) modernization program, bagay na magphe-phase out sa tradisyunal na jeepney at UV Express.
Una nang pinalagan ng transport groups ang "minamadaling" konsolidasyon dahil sa taas ng kinakailangang gastusin sa ilalim ng PUVMP. Sa halip, hiling ng mga grupong maibalik ang limang taong validity ng kani-kanilang prangkisa.
"The LTFRB will adhere to its standard operating procedure by coordinating with relevant government agencies and LGUs should a transport strike pushes through," patuloy ni Guadiz.
"Rest assured, 'Libreng sakay' vehicles will once again be dispatched to assist affected commuters."
22.32% ng PUVs unconsolidated pa rin
Sa datos ng LTFRB as of April 1, 2024, lumalabas na tanging nasa 77.68% ng mga jeepney at UV Express units ang sumailalim sa konsolidasyon, bagay na katumbas ng 75.23% ng mga ruta.
Dahil dito, lumalabas na 22.32% ng mga unit ang hindi pa rin consolidated sa ngayon. Katumbas ito ng 24.77% unconsolidated routes.
Ang mga hindi makapagkokonsolida sa takdang panahon ay hindi na papayagang pumasada pa pagsapit ng ika-1 ng Mayo.
Matapos nito, bibigyan ng 27 buwan ang mga operator na makabili ng modernong jeepney o mini-buses. Umaabot ito ng higit P2 milyon kada unit, bagay na masyadong mahal para sa ilang operator.
Una nang sinabi ng Department of Transportation na maaaring kumuha ng financial assistance at subsidyo ang mga kooperatiba para ma-upgrade ang kanyang PUVs para maging "low-carbon emission," "ligtas" at "episyente."
- Latest