‘Resbak ng Pinas’ asahan sa West Philippine Sea – NSC
MANILA, Philippines — Asahan ang “resbak ng Pilipinas” sa China.
Ito ang tila pagbabanta ni National Security Council (NSC) assistant director general Jonathan Malaya kaugnay ng mga pambabastos o “rude surprise” ng China.
Bagamat tumanggi na si Malaya na idetalye pa ang kanyang pahayag, tiniyak nito na hindi patitinag ang bansa mga agresibong aksiyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Malaya, hindi susuko ang Pilipinas sa mga pinsalang natamo ang mga barko at pagkasugat ng ilang mga personnel, mali ang akala ng mga Chinese.
Sinabi ni Malaya na hindi dapat maliitin ng China ang fighting spirit ng mga Pilipino.
Aniya, ang Pilipinas ay nasa panig ng batas at rules-based international order, partikular ang nakasaad sa 2016 Arbitral Tribunal decision na nagpawalang bisa sa pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Malaya ang pahayag matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gagawa ng aksyon ang kaniyang administrasyon laban sa mga pagalit na aksyon ng mga Tsino sa WPS.
Giit pa ni Malaya, sa mga nangyayari ngayon ang China ang napapahiya sa kanilang mga aksiyon lalo at batid na ng International community ang kanilang ginagawa laban sa Pilipinas.
Binatikos din ni Malaya ang China dahil sa paggamit ng war mongering para ipamukha na ang Pilipinas ang nag-udyok sa Chinese Coast Guard na gumamit ng malalakas na water cannon para patigilin ang barko ng Pilipinas na magtungo sa Ayungin Shoal para maghatid ng mga probisyon para sa mga tropa sa BRP Sierra Madre.
Binigyan diin ni Malaya na walang paki-alam ang China sa mga dadalhin at isusupply patungong BRP Sierra Madre.
- Latest