Albay Solon, muling hinirang ng Incheon bilang ‘Advisor for International Affairs’
MANILA, Philippines — Muling hinirang ng Incheon Metropolitan City, ang pangunahing sentro ng South Korea, si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda bilang tagapayo o ‘Advisor for International Affairs,’ isang posisyon na hawak niya mula pa noong 2009 nang Gubernador pa siya ng Albay.
Ang bagong dalawang taong termino ni Salceda bilang ‘Advisor’ mula Nob. 28, 2023 hanggang Nob. 27, 2025 ay nilagdaan ni Incheon Mayor Jeong-Bok Yoo. Tinanggap niya ito kamakailan kasabay ng hiwalay na ‘Notice of Reappointment,’ na nilagdaan naman ni Incheon Director of Foreign Affairs Department Young-Sin Kim batay sa Artikulo II ng ’Ordinance for International Cooperation and Exchanges, and the Internationalization of the Incheon Metropolitan City,’
Ayon kay Salceda, pinatatag ng pagkakahirang sa kanya sa ganoong puwesto ang ugnayang pang-ekonomiya ng Albay at Incheon sa ilalim ng Incheon Sister Cities Conference na ginanap noong 2009. Pinasalamatan ng mambabatas si Incheon Mayor Jeong-Bok Yoo at ang Incheon Metropolitan Authority sa patuloy nilang pagtitiwala sa kanya na nakaraang 14 na taon.
Umaasa si Salceda na nasa huling termino niya bilang kinatawan ng Albay sa Kamara kung saan chairman siya ng ‘House Ways and Means Committee,’ na masiglang magpapatuloy ang ugnayang pang-ekonomiya ng Incheon at Albay.
Dalawang taon ang termino ni Salceda bilang Incheon Foreign Advisor at naka-6 na siya -- 2009-2011, 2011-2013, 2013-2015, 2015-2017, 2019-2021, at 2021-2023. Ika-7 na ang bagong termino niya ngayon na magtatapos sa Nob. 27, 2025.
- Latest