‘Letter of evidence’ kailangan sa imbestigasyon sa ‘signature-buying’
MANILA, Philippines — Kailangan munang may maghain ng pormal na “letter of evidence” para gumulong ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa alegasyon ng bentahan ng pirma para sa “charter change”.
Sinabi ni Justice spokesperson, Asst. Secretary Mico Clavano na maaaring “premature” pa kung magsasagawa na agad sila ng imbestigasyon gayung wala pang pormal na humihiling at wala pa silang natatanggap na anumang ebidensya.
“We are just awaiting any formal letter or correspondence with the good Senator,” ayon kay Clavano sa isang panayam.
Matatandaang inihayag ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na kailangan nang magkaroon ng imbestigasyon sa alegasyon ng pagbili ng mga pirma ng mga nagsusulong ng “people’s initiative” para sa Chacha gamit ang mga “financial assistance program” ng mga ahensya ng gobyerno.
Pinangalanan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na nasa ilalim ng DOJ para manguna sa imbestigasyon.
Una itong ibinulgar nina Congressman Edcel Lagman at Raoul Manuel na sinabing ginagawa ito para palabasin na may panawagan ang taumbayan na baguhin ang Konstitusyon.
Sinabi rin ni Clavano na maging mga lokal na pamahalaan na may nalalaman at may ebidensya sa sinasabing bilihan ng pirma ay maaaring lumapit sa kanila at pormal na humiling ng imbestigasyon.
- Latest