P35 daily minimum wage hike ‘di sapat — senators
MANILA, Philippines — Naniniwala ang ilang senador na hindi sapat ang P35 daily minimum wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, ang bahagyang pagtaas ay kulang sa pagtugon sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng mga mahahalagang bilihin.
Kinuwestiyon din ni Escudero ang batayan ng desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na nagmumungkahi na ang mga kalkulasyon ng board ay hindi sumasalamin sa tunay na halaga ng pamumuhay.
“Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay na umento ng RTWPB? Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang ‘yan. Saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery? Nag-palengke? Pa-share naman kayo kasi baka sobrang mura dun at kasya ang dagdag na ?35 sa sahod na binigay nila,” ani Escudero
Ipinunto ni Escudero na ang Senado ay nagpasa na ng panukalang batas na nagmumungkahi ng ?100 across-the-board wage increase.
Maging si dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ay naniniwala na kulang ang P35 increase sa minimum wage upang matugunan ang pagtaas ng gastos sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Pabor din si Zubiri para maisabatas ang P100 arawang minimum wage increase, na dapat inaprubahan ng wage boards hindi lamang para sa National Capital Region kundi sa lahat ng rehiyon.
Sa panig ni President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, sinabi nito na napapanahon ang pagtaas sa sahod at lubhang kailangan ito ng mga manggagawa. Pero tinawag din ni Estrada na “kakarampot” ang wage hike.
- Latest