Mahigit 100 katao nadisgrasya, nirespondehan sa 'Traslacion 2024'
MANILA, Philippines — Nakapagtala na ng mga disgrasya at aksidente sa Quirino Grand Stand sa pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno at Traslacion sa Maynila — bagay na inaasahang dadaluhan ng mahigit 2 milyong deboto.
Ito ang ibinahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang pahayag ngayong Martes kasabay ng naturang special non-working day sa Maynila.
"The MMDA Emergency Response Team attended to the following at the quirino grand stand: 95 medical cases, 11 trauma cases," wika ng MMDA sa reporters.
Una nang hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga deboto ng Itim na Nazareno na tunghayan na lang ang pista online, lalo na para sa mga 60-anyos pataas at may mga medical conditions.
Ito ang unang beses na idinaos ang Traslacion matapos ang tatlong taong pagkakaunsyami dulot ng COVID-19 pandemic.
Linggo pa lang ay itinaas na ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang "blue alert" status sa pagbabalik ng Traslacion. Dahil dito, nakaabang ang disaster officials ng konseho para sa anumang potensyal na emergency.
Trak-trak na basura
Simula Sabado, umabot na sa walong truck load ng basura ang nakokolekta kaugnay ng pagdaraos ng naturang kapistahan.
Kabilang sa mga mino-monitor ng MMDA sa ngayon ang Maynila Pasay City, Caloocan City, Ortigas Base at Nagtahan West.
Katumbas ito ng 33.78 tonelada ng basura, wika ng MMDA.
Una nang nanawagan ang Ecowaste Coalition ng "malinis na Traslacion," bagay na posible naman daw aniya sa pagpapakita ng debosyon.
"The EcoWaste Coalition reiterates its plea for a clean observance of the #Traslacion2024 as citizens express their faith and devotion to Jesus Nazareno," wika ng grupo kanina.
"The widespread littering during the conduct of #Traslacion2024 in Quiapo and other areas shows the apparent need to continuously promote respect and care for the environment among the faithful."
- Latest