Nominasyon sa Search for Outstanding Government Workers 2024, binuksan na
MANILA, Philippines — Bukas na ang Civil Service Commission sa pagtanggap ng nominasyon para sa 2024 “Search for Outstanding Government Workers” sa pamamagitan ng mga Regional Offices nito, na may nakatakdang online submission deadline sa Marso 31, 2024.
Bilang bahagi ng mekanismo ng mga gantimpala at insentibo ng gobyerno sa ilalim ng Honor Awards Program (HAP), ang taunang paghahanap ay naglalayong kilalanin ang mga tagapaglingkod ng sibil na nagpakita ng lubos na dedikasyon sa kanilang trabaho.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles, nilalayon nito na makapagbigay ng inspirasyon sa iba pang mga empleyado ng estado sa mas malalim na pakikilahok sa publiko serbisyo.
Nabatid na ang lahat ng mga manggagawa ng gobyerno sa career at non-career service kabilang ang mga appointive barangay officials ay maaaring ma-nominate. Ang mga empleyadong nasa ilalim ng Job Order o Contract of Service ay hindi kasama sa saklaw ng nasabing programa.
Ang mga civil servant na may pambihirang tagumpay ng pambansang epekto ay maaaring ma-nominate para sa Presidential Lingkod Bayan Award, habang ang mga may kontribusyon na nagresulta sa mga inobasyon, digital transformation, o iba pang positibong pagbabago sa loob ng kanilang rehiyon, ahensya, o departamento ay karapat-dapat para sa CSC Pagasa Award.
Samantala, ang mga pampublikong tagapaglingkod na patuloy na nagpapakita ng huwaran at etikal na pag-uugali sa harap ng panganib o tuksong likas sa kanilang trabaho ay maaaring ma-nominate sa kategoryang Outstanding Public Officials and Employees (DangalBayan).
Ang posthumous nomination ay maaari ding tanggapin para sa mga pampublikong tagapaglingkod na namatay habang tumutupad sa kanilang tungkulin at responsibilidad.
Para sa mga katanungan at paglilinaw, makipag-ugnayan sa Honor Awards Program Secretariat sa pamamagitan ng email na [email protected]; o mag-email sa Contact Center ng Bayan ng CSC sa [email protected] o mag-text sa 0908-88-16565.
- Latest