'Kasuhan kaya namin kayo?': DOH sa nagkakalat na may bagong COVID-19 wave sa NCR
MANILA, Philippines — Walang katotohanan at batayan ang mga mensaheng may "bagong wave" ng COVID-19 sa National Capital Region, dahilan para magbanta ng kasong kriminal ang Department of Health (DOH) sa mga nagpapakalat nito.
Ibinahagi ito ng Kagawaran ng Kalusugan, Huwebes, matapos ikalat ng ilang netizens na "puno na" ang COVID-19 intensive care unit ng St. Luke's Medical Center. Disyembre pa lang ay iniikot na ito.
"The Department of Health (DOH) advises the public against a circulating message claiming a new COVID-19 wave in Metro Manila, attributed to Dr. Ruth Divinagracia from St. Luke Medical Center," wika ng DOH.
"There is no credible evidence or official announcement from health authorities supporting the assertion of a surge in COVID-19 cases at the mentioned hospital."
Sa mga kumakalat na mensahe, sinasabing karamihan sa mga diumano'y mga kaso ay "COVID-induced bad commorbidities." Maliban pa rito, bakunado raw ang ilang pasyente ngunit hindi naturukan ng booster shots.
Idinidiin din ng naturang posts ang paggamit ng N95 masks kaysa KN95 dahil diumano sa banta ng mas mataas na COVID-19 cases nitong holidays.
"The DOH urges the public to rely on information from reputable sources such as the agency and other official health organizations. Misinformation can contribute to unnecessary panic and fear," dagdag pa ng DOH.
"Furthermore, the DOH states that criminal charges may be pressed if related post/s shall persist."
"The DOH continues to enjoin the public to source information only from legitimate sources and platforms such as the health department, which can be accessed through the links and social media handles below."
Kaonting hawaan, mild COVID-19 cases
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ng DOH na meron lang low transmission at mild COVID-19 cases na naitala nitong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Nitong Nobyembre hanggang Disyembre, pinakamataas na raw ang 16% sa mga okupadong ICU beds para sa COVID-19 cases. Kadalasan, 12% lang daw ito.
Mababa rin aniya ang occupied non-ICU beds para sa COVID-19 sa 19% (pinakamataas), bagay na nag-a-average sa 17%. Mas mababa pa ang severe at critical cases sa hospital admissions: 11%.
Iniuugnay ito ng DOH sa "healthy behaviors" at pagsunod sa multiple layers ng proteksyon gaya ng pagsusuot ng face masks at pagpunta sa well-ventilated areas, maliban sa pananatili sa bahay tuwing may sakit.
"The average number of new cases per day for the week of December 26, 2023 to January 1, 2024 is down by 10 percent compared to cases from December 19 to 25," patuloy ng kagawaran.
"Of the new cases, only around 1% were serious or critically ill. The Department renews its commitment to closely monitor the trend for any changes."
Nanawagan naman ang DOH sa lahat na huwag magpakampante sa hawaan lalo na tuwing nagtitipon-tipon para sa mga aktibidad, at magsuot ng face masks lalo na kung senior citizen na o immunocompromised.
Umabot na sa 4.13 milyon ang nahahawaan ng sakit simula nang makapasok ito sa bansa nitong 2020. Sa bilang na 'yan, 5,310 ang nagpapagaling pa habang 66,836 ang patay na.
- Latest