Mister na may sakit sa kidney naisalba ng Malasakit Center
MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga hamon sa healthcare system ng bansa, naging mahalagang bahagi ang programang Malasakit Center na itinataguyod ni Senator Christopher “Bong” Go upang suportahan ang mga pasyenteng nangangailangan ng tulong-medikal tulad ni Ariel Cariaga.
Si Ariel, isang 44-anyos na residente ng Sampaloc, Maynila, ay nadiskubreng may Chronic Kidney Disease (CKD) Stage 5 noong nakaraang buwan.
Ang malagim na katotohanang ito ay dumating sa kanya, kasama ang pasanin ng magastos na paggamot at dialysis.
Gayunman, sa tulong ng Malasakit Center ay lubos na naibsan ang problema niya sa pananalapi, kaya nabigyan si Ariel ng pagkakataong patuloy na lumaban at magkaroon ng mas mabuting kalusugan.
“Malaking tulong talaga siya kasi ‘di ba kapag nag-dialysis ka kasi every dialysis mo nababawasan ka ng dugo. So kailangan mo talaga ng injection ng epoetin,” ang kuwento ni Ariel.
“Dahil sa tulong ni Senator (Go), kahit papaano nabawasan ‘yung bigat na dinadala namin lalo sa pinansyal, sa gastos,” idinagdag niya.
Humingi ng tulong si Ariel sa Malasakit Center na matatagpuan sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City, naging pundasyon sa pagtiyak na ang mga indibidwal na tulad ni Ariel ay magkakaroon ng access sa medical care na walang pinapasan na mga bayarin.
- Latest