Vlogger iniimbestigahan sa human trafficking
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang isang vlogger sa posibleng kaugnayan niya sa operasyon ng human trafficking makaraang ituro ng dalawang biktima na siyang nag-refer sa kanila sa isang illegal recruiter.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, nasabat ng mga immigration officers ang dalawang babaeng biktima nitong Nobyembre 2 sa Ninoy Aquino International Airport, makaraang magtangka na lumipad patungo sa Sri Lanka.
Nang isailalim sa imbestigasyon, inamin ng isa sa biktima na ini-refer sila sa kanilang recruiter ng isang vlogger, makaraang magkomento sila sa isang video niya sa social media. Hindi muna pinangalanan ng BI ang naturang vlogger habang isinasailalim ang imbestigasyon.
“Na-recruit ang dalawang biktima ng isang babae na naka-bas sa Sri Lanka, na siningil sila ng higit P50,000 bawat isa para sa recruitment package,” ayon kay Tansingco.
Pinangakuan umano sila ng recruiter ng trabaho sa Sri Lanka bilang household service worker o call center agent na may malaking sahod.
Ini-refer na ng BI ang insidente sa IACAT na nagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang vlogger at sa recruiter.
- Latest