Patay sa bagyong 'Egay' umakyat sa 27 sa paglobo ng nasalanta sa halos 3-M
MANILA, Philippines — Patuloy pa rin sa pag-akyat ng bilang ng mga iniwang nasawi ng nagdaang Super Typhoon Egay, ito halos dalawang linggo simulang manalasa sa Pilipinas.
Sa huling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 2,856,962 na ang naapektuhan ng naturang bagyo ngayong Miyerkules kabilang ang sumusunod:
- patay: 27
- sugatan: 52
- nawawalan: 13
- lumikas: 289,713
Nakapagtala ng kaliwa't kanang pagbaha, pagguho ng lupa, buhawi atbp. dahil sa naturang bagyo at pinalakas nitong hanging habagat bagay na naitala sa mga sumusunod na lugar:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Western Visayas
- Eastern Visayas
- SOCCSKSARGEN
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao
Umakyat naman na tuloy sa P3.52 bilyong halaga ang napinsala ng bagyo sa imprastruktura. Bukod pa ito sa 50,371 kabahayang napinsala: 48,495 dito ay bahagyang pagkasira habang 1,876 ay wasak na wasak.
Halos 2 bilyong halaga naman na ang naitamong pinsala sa sektor ng agrikultura, bagay na nagbigay ng sakit ng ulo sa 114,622 magsasaka at mangingisda.
Umabot na tuloy sa 148,788.76 ektaryang lupain ang na-damage ng sama ng panahon. Nasa P173.8 milyong halaga naman ang cost of damage sa livestock, poultry at mga palaisdaan.
Sumipa naman na sa 154 lungsod at munisipalidad ang inilagay sa ngayon sa state of calamit, dahilan para magpatupad ng price freeze doon sa mga pangunahing bilihin.
Nakapag-abot naman na ng nasa P187.4 milyong halaga ng ayuda sa mga nasalanta sa porma ng family food packs, hygiene kits, moderular tents atbp.
Ang mga nabanggit ay nagmula sa Department of Social Welfare and Development, local government units, non-government organizations, Office of Civil Defense, at mga pamahalaang panlungsod.
Wala pa ring nailalabas na datos ang NDRRMC sa ngayon pagdating sa nagdaang Typhoon Falcon, bagay na kalalabas lang ng Philippine area of responsibility nitong Martes.
- Latest