LPA, habagat pauulanin ang malaking bahagi ng buong Pilipinas
MANILA, Philippines — Magiging masungit ang panahon sa maraming bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao ngayong araw bunsod ng pinagsamang epekto ng low pressure area at Hanging Habagat.
Huling namataan ang LPA sa layong 295 kilometro silangan ng Infanta, Quezon bandang 3 a.m., ayon sa PAGASA ngayong Huwebes.
"Itong nasabing low pressure area ay mababa pa ang tiyansa na maging isang bagyo within the next 24 hours," wika ni DOST-PAGASA weather forecaster Patrick Del Mundo kanina.
"Ngunit inaasahan natin na posible itong lumapit sa bahagi ng Aurora, Quezon at sa may Camarines Norte area kung saan nagtaas tayo ng weather advisory kagabi ganap na 11 p.m."
Inaasahan ang malalakas na pag-ulan sa mga nasabing lugar dala ng LPA.
Samantala umiiral pa rin ang Hanging Habagat sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Dahil sa dalawang weather systems na umiiral sa bansa, tinataya ang mauulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa bahagi ng Luzon, Visayas at sa may kanluran at hilagang bahagi ng Mindanao.
"Pinag-iingat po ang ating mga kababayan diyan sa banta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil na rin sa posibleng malalakas na pag-ulan dala nitong [LPA] at Hanging Habagat," sabi pa ni Del Mundo.
Ang sungit ng panahon na ito ay nangyayari sa kabila ng pagsisimula ng El Niño sa tropical Pacific, panahon kung kailan mas madalas ang "below-normal" conditions na nagdadala ng negatibong epekto sa suplay ng tubig at agrikultura.
Una nang sinabi ng state weather bureau na inaasahan pa ang pagpasok ng nasa 10 hanggang 14 bagyo sa loob ng PAR sa huling anim na buwan ng taon.
- Latest