Unang Omicron FE.1 subvariant, natukoy
MANILA, Philippines — Natukoy na sa Pilipinas ang unang kaso ng COVID-19 Omicron subvariant FE.1 sa pinakahuling genome sequencing nitong Mayo 29 hanggang Hunyo 12, ayon sa Department of Health (DOH).
Hindi naman binanggit sa Covid biosurveillance report kung saang lugar natukoy ang naturang kaso.
Ang FE.1 ay isang sublineage ng Omicron XBB subvariant. Naisama ito sa listahan ng mga variants under monitoring (VUMs) ng European Centre for Disease Prevention and Control nitong Hunyo 1, 2023.
Tinukoy ng DOH na patuloy ang pagkalat ng naturang subvariant at natukoy na sa 35 bansa sa mundo.
Ngunit iginiit ng DOH na sa kasalukuyang mga ebidensya, hindi nagpapakita ang FE.1 ng pagkakaiba sa lubha ng sakit o ‘clinical manifestations’ kumpara sa orihinal na Omicron variant.
- Latest