Bagitong pulis ‘wag italaga sa PDEG - ‘Bato’
MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Philippine National Police (PNP) na huwag agad italaga ang mga bagitong pulis sa Drug Enforcement Group (DEG).
Ayon kay Dela Rosa, dapat mag-adjust ang PNP sa kanilang administrative policies kabilang dito ang kanilang vetting system kung sino ang dapat italaga sa PNP-DEG matapos ang kontrobersiya sa umano’y cover-up sa P6.7 bilyon shabu bust sa Manila noong nakaraang taon.
Kaya giit ng Senador na dapat walang mga patrolman o tinyente na ma-assign sa PDEG at dapat ay ma i-expose muna sila sa field, sa mahihirap na assignment at hindi umano kagaya na pag-graduate sa academy ay diretso na agad sa PDEG.
Paliwanag ni Dela Rosa, dating hepe ng PNP, na kapag dumiretso agad sila sa PDEG ay mali ang exposure nila dito sa kanilang trabaho lalo na kapag nakasama nila ang “ninja cops”.
Ang “ninja cops” ay tumutukoy sa mga police officer na sangkot din sa illegal na droga na karaniwan ay nagre-recycle ng mga nakumpiskang droga at ibinibenta ito.
Nauna na rin inamin ni dating PDEG director Polie Brigadier General Narciso Domingo na nagkaroon ng pagkukulang sa buy-bust noong Oktubre 2022 na nagresulta sa pagkakakumpiska sa 990 kilo ng shabu.
- Latest