Pinas ‘di kakapusin sa bigas – Pangulong Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “in good shape” ang suplay ng bigas sa bansa at walang kakapusan sa mga darating na buwan.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos ang pagpupulong sa Palasyo kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture at National Food Authority.
“Mukha namang maganda ang sitwasyon natin. Hindi tayo magkukulang sa bigas. At tinitingnan natin lahat ng paraan upang ang presyo ay ma-control natin at hindi naman masyadong tataas,” ani Marcos.
Pero kailangan aniya na dagdagan pa ito para masiguro na hindi tataas ang presyo sa merkado.
Sabi ng Pangulo, sa ngayon, talagang mababa ang buffer stock ng bigas ng NFA.
Gayunman, ipinunto rin ni Marcos na kailangang bilhin ng NFA ang buffer stock nito mula sa local producer na nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng bigas, upang matiyak ang sapat na suplay ng palay.
“Ang problema, kapag sila ay pumasok sa merkado, pag sila ay namili na para i-replace yung buffer stock na ang kulang nila ay tataas naman ang presyo ng bigas dahil marami silang bibilin. Kaya’t yun ang hinahanapan namin ng paraan para i-adjust. Siguro ang magagawa natin ay ang pagbili ay hindi bigla. Hindi malaki,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, sinisikap ng pamahalaan na masiguro na sapat ang buffer stock ng NFA.
Ibinida pa ng Pangulo na unti-unti nang lumalakas ang ani ng mga magsasaka ngayon ay nakababalik na sa pre-pandemic levels.
Sa ilalim ng DA 2023 supply outlook, nasa 16.98 milyong metrikong tonelada ang total suplay ng bigas.
Sapat ito para matugunan ang 15.29 milyong metrikong toneladang demand para sa buong taon.
Ibig sabihin, mayroong 1.69 milyong metrikong toneladang buffer stock na sasapat sa 45 araw sa halip na 90 araw na ideal buffer stock.
- Latest