Dagdag sahod, delayed benefits ng guro ikinalampag sa posibleng 9.3% inflation

MANILA, Philippines — Kinalampag ng mga progresibong guro ng Alliance of Concerned Teachers ang opisina ng Department of Budget and Management, Biyernes, para sa dagdag sahod at pag-release ng "delayed benefits" — ito habang inaasahang tataas pa ang presyo ng bilihin.
Martes lang kasi nang ibalita ng Bangko Sentral ng Pilipinas na posibleng umabot sa 9.3% ang inflation rate para sa buwan ng Pebrero 2023, bagay na mas mabilis pa sa 14-year-high na pagtaas ng presyo ng bilihin noong Enero.
"Napakawalang-puso na ng gobyernong ito kung patuloy pang tatanggihan ang hiling na umento ng mga guro at kawani, samantalang inutil naman silang kontrolin ang presyo ng pagkain at mga batayang pangangailangan," wika ni Ruby Bernardo, ACT NCR Union President kanina.
"Numero uno itong DBM na kumokontra sa umento sa sweldo dahil wala raw sapat na pondo ang pamahalaan. Sumegunda pa ang National Economic and Development Administration (NEDA) sa pagsasabing makakasama sa ekonomiya ang pagtataas ng sahod. Sino ba ang pinaglilingkuran ng mga ahensyang ito?"
Ika-23 lang ng Pebrero nang kwestyonin ng grupo ang pagharang ng DBM sa petisyon ng 60,000 public school teachers na aprubahan ang 36% increase sa sweldo ng entry-level teachers at college intructors.
Ilan sa mga itinuturong dahilan ng kagawaran ay ang "salary distortion" na posible raw mangyari kung tataasan ang nakukuha ng entry-level na mga guro. Baka raw kasi mangailangan na itaas din ang nakukuha ng iba pang education personnel upang mapanatili ang "heirarchy of positions."
"The reality is that our teachers have been underpaid for too long that we are so deep in debt and majority only gets a take home pay of P5,000 monthly. This is not even enough to sustain the food needs of a family of five, how else can we afford other essentials and school needs?" banggit pa ng Bernardo sa isang pahayag.
Sinasabi ito ng DBM kahit na pinangakuan ng 100% increase sa base pay ang nasa 76,000 pulis na may ranggong Police Officer 1 noong 2018, bagay na nagtaas sa kanilang sweldo mula P14,834 patungong P29,668.
"We have no choice but to dig our own graves deeper by taking out more loans. We can only pull out from this quagmire through an upgrade of teachers salaries from the current entry level of salary grade 11 to salary grade 15."
Ang nabanggit na halaga ay malayo-layo sa P25,246 o P1,161 kada araw na "family living wage" sa Metro Manila, bagay na kailangan ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.
Sa kabila nito, nakapako sa nasa P570 ang arawang minimum wage sa National Capital Region, na siyang pinakamataas sa Pilipinas.
"The scantiness of our salaries is aggravated by delayed and unjust distribution of benefits. Until now, our Performance-based bonus for the year 2021 remains unreleased while through the years, the amounts granted have been declining," dagdag pa ni Bernardo.
"Lubha kaming tinitipid ng pamahalaan samantalang magwawaldas ng P9.3 bilyon sa charter change na hindi naman mag-aahon sa atin sa kahirapan."
Aniya, pagtataas ng sweldo ng mga produktibong persa ang dapat gawing prayoridad ng gobyerno lalo na't hindi raw sila makapagserserbisyo kung kumakalam ang tiyan. Mainam na ito raw ang unahin kaysa sa kontrobersyal na Maharlika Wealth Fund, paglipad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. maya't maya sa ibang bansa at charter change.
- Latest




















