Nationwide earthquake drill sa ‘Big One’ ikinasa sa Marso 9
MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa posibleng ‘Big One’ na tatama sa bansa, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na isasagawa sa Marso 9 ang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Ayon kay OCD Joint Information Center head Diego Mariano, ang pagsasagawa ng quarterly nationwide earthquake drill ay paghahanda sa publiko sa posibleng malakas na lindol.
Paliwanag ni Mariano, magkakaroon ng ceremonial sounding ng buzzer kung saan magiging signal para tayo ay mag-conduct ng duck, cover, and hold.
Aniya, simpleng protocol lamang ito subalit makapagliligtas at mababawasan ang aksidente sakaling tumama ang lindol partikular ang ‘The Big One’.
Giit ni Mariano, kailangan lamang na alalahanin ng bawat isa ang steps o protocols sakaling magkaroon ng lindol.
Kabilang na dito ang pagiging kalmado, pagsasagawa ng ‘Duck, Cover and Hold’; lumayo sa mga bintana, salamin o mabibigat na bagay na maaaring bumagsak at sakaling wala nang pagyanig maaring lumabas ng gusali ng mahinahon at pumuwesto sa open space.
Magbibigay din ito ng dagdag kaalaman at paghahanda sa iba’t ibang sangay ng mga rescue teams.
Dagdag pa ni Mariano dapat na maging alerto ang bawat isa upang hindi maranasan ang 7.8 na lindol na tumama sa Turkey at Syria.
- Latest