2 araw na kaltas sahod sa government employees ‘fake news’
Ido-donate raw sa Turkey at Syria
MANILA, Philippines — Mariiing itinanggi ng Malakanyang ang kumakalat na impormasyon na babawasan ng dalawang araw na sahod ang mga kawani ng gobyerno sa darating na Marso.
Ito ay para umano i-donate sa Turkey at Syria na lubhang naapektuhan ng 7.8 na lindol noong Pebrero 6,2023.
Sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil na walang katotohanan ang kumakalat na memorandum circular sa social media.
Ang kumakalat na memo na walang logo ng Malakanyang at wala rin memo circular number ay pirmado umano ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Nakasaad sa pekeng memo na ang dalawang araw na sahod ng mga kawani ng gobyerno ay ibabawas sa buwan ng Marso para umano sa President Relief Fund for Turkey and Syria.
Sinabi naman ni Garafil na pinaiimbestigahan na ng Palasyo kung sino ang nagpakalat ng pekeng memorandum.
Magugunita na nagpadala na ng humanitarian team ang gobyerno sa Turkey na kinatawan ng mga engineer at health workers at tumutulong sa search and rescue sa mga gumuhong gusali na pinabagsak ng 7.8 magnitude na lindol.
Habang pinag-aaralan naman ng Palasyo kung anong tulong ang iaabot sa Syria.
- Latest