‘Mag-resign muna bago tumakbo’
Sa mga elected official na kakandidato sa Pangulo at pagka-VP
MANILA, Philippines — Isinusulong sa Senado ang pagsasabatas ng otomatikong pagbaba sa hawak na puwesto ng lahat ng halal na opisyal na muling kakandidato para sa posisyon sa gobyerno.
Sa Senate Bill 1683 ni Sen. Raffy Tulfo, layon nito na amyendahan ang fair election act na nagpapahintulot ngayon sa mga halal na opisyal na kumandidato sa pagka pangulo at pangalawang pangulo kahit walang tsansang manalo dahil batid nila na babalik pa rin sila sa kanilang mga puwesto.
Idinagdag pa ni Tulfo na nagkakait ito ng pagkakataon sa iba na gustong tumakbo sa pwestong hawak ng mga kumakandidato.
Giit ng senador, dapat itong ituwid para matupad ng mga public officials ang kanilang katungkulan ng buong tapat na hindi nagagambala ng kandidatura.
Dahil dito kaya pinapabalik ni Tulfo ang pag-iral ng lumang Batas Pambansa 881 na nagsasabi na lahat ng elective officials na maghahain ng kandidatura para sa gobyerno ay ituturing na resigned sa puwesto maliban sa Pangulo at pangalawang Pangulo.
Sa mga nakalipas na eleksyon, may mga Senador at Mayor na kumandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo at matapos matalo o manalo sa eleksyon ay nananatili sa hawak na pwesto.
- Latest