Lifetime validity ng passport ng senior citizens, hiling
MANILA, Philippines — Itinulak sa Kamara ang pagbibigay ng lifetime validity sa passport ng mga senior citizens.
Isinulong nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano ang House Bill 6682 na mag-aamyendahan sa Philippine Passport Act of 1996 (Republic Act 8239) kung saan bibigyan ng lifetime validity ang pasaporte na kinuha ng mga Pilipino na edad 60 pataas.
Batay sa record ng Commission on Population and Development, nasa 8.7 milyon ang bilang ng mga Pilipino na edad 60 pataas.
Ayon sa mga Kongresista, dapat na ikonsidera ang edad at kalusugan ng mga senior citizens sa tuwing nagpapa-renew ng kanilang passports.
Marami sa mga senior citizens ay hindi na kayang magbiyahe at maghintay sa proseso.
Hindi na rin dapat nagbibigay ng stress sa mga senior ang renewal ng mga passport at sa halip ay mapakinabangan ang bawat oras sa kanilang paglalakbay sa ibang bansa.
- Latest