'Wala ah': Suspended BuCor chief itinangging nanaksak siya ng 2 inmate
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng kampo ng suspendidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag — na humaharap sa reklamong murder sa pagkamatay ng journo na si Percy Lapid — na nananakit siya ng mga preso habang nanunungkulan.
Lunes lang nang ipresenta ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang ang dalawang presong sinaksak daw ni Bantag ng patalim (kris) noong Pebrero 2022 habang "lasing" at galit tungkol sa ilang nakatakas sa kulungan.
"I was talking about that yesterday with him and he said, 'wala naman.' We'll just wait kung anuman ang reklamong ifa-file sa kanya and we will take it from there," wika ng abogado niyang si Rocky Balisong, Huwebes, sa panayam CNN Philippines.
"[H]e does not remember anything about stabbing these inmates. Nakakatawa nga lang kasi kung totoo man 'yan, 'di maano 'yung claim niya. How can he use these inmates kung talagang sinaksak niya 'yung mga ito?"
Una nang idinidiin si Bantag sa paggamit daw ng mga inmates para itumba si Lapid (Percival Mabasa sa totoong buhay) na kilalang kritiko ng administrasyon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Oktubre lang nang suspindihin sa pwesto si Bantag matapos mamatay sa loob ng kulungan ang isa sa mga kasabwat daw (middleman) sa pagpatay kay Mabasa na si Jun Villamor.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang maglabas ang Bureau of Immigration ng lookout bulletin laban kay Bantag at dating security officer Ricardo Zulueta, na kapwa idinidiin sa mga pagpatay.
"In short he is denying any participation doon sa stabbing noong mga inmates... Not one [person deprived of liberty did he hurt]," dagdag pa ni Balisong sa panayam.
"Expected 'yan [na may lumalabas na ganito] kasi nakikita natin 'yung trend ng mga sinasampang mga kasalanan daw niya. Ang dami. Nakikita natin ginagamit 'yung mga PDL. Ine-expect namin 'yun na baka may mga iba pang ilalabas diyan."
Bago lumabas ang alegasyon ng pananaksak ng mga nakakulong, una nang lumabas ang sari-saring kontrobersya laban sa kanya.
Nobyembre lang nang sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ipinahuhukay ni Bantag ang diumano'y "Yamashita Treasure" sa compound ng New Bilibid Prison, bagay na napag-usapan noong madiskubre ang "unauthorized excavation" sa loob ng kulungan.
- Latest