^

Bansa

Dela Rosa nais i-'decriminalize' drug use, kahit pasimuno ng madugong drug war

James Relativo - Philstar.com
Dela Rosa nais i-'decriminalize' drug use, kahit pasimuno ng madugong drug war
File photo shows police investigating the death of a victim of the Duterte government's so-called war on drugs.
AFP / Noel Celis, file

MANILA, Philippines (Updated 1:55 p.m.) — Inilinaw ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na gusto niyang tanggalin ang parusang kriminal sa mga gumagamit ng droga — ito kahit pinangunahan niya ang gera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pumatay sa libu-libo.

Ito ang muling idiniin ni Bato, Huwebes, sa layuning mapaluwag ang mga kulungan habang tinitignan ang pagkaadik bilang isyung pangkalusugan kaysa kriminal.

Iminungkahi rin kasi ito ni Sen. Robin Padilla kamakailan sa Senate panel hearing.

"I am the author of the bill (Senate Bill 202). Ako mismo ang gumawa, nag-author niyan at gusto ko talaga [i-decriminalize]," wika niya sa panayam ng GMA News Huwebes.

"User lang. Iba 'yung pushing, manufacturing, trafficking krimen pa rin."

Dating hepe ng Philippine National Police (PNP) si Dela Rosa noong unang umupo si Duterte, na ngayo'y gustong imbestigahan ng prosecutor ng International Criminal Court para sa alegasyon "crimes against humanity" dahil sa madugong "war on drugs." 

Ayon sa mga datos ng gobyerno, umabot sa 6,252 ang mga napatay sa mga anti-drug operations simula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2022, panahong presidente pa si Duterte. Pero mas malaki pa ang mga bilang diyan, ayon sa human rights groups.

"So in order to decongest itong mga kulungan, sabi natin i-decriminalize na lang ‘yan dahil ‘yun namang mga rehabilitation centers natin ay hindi napupuno," dagdag ni Dela Rosa.

"Medyo maluwag ang drug rehab centers, ang occupancy is 50% lang. 'Yung malaki nga natin sa Nueva Ecija napakababa ng occupancy rate, ginawa na ngang COVID facility."

Kasalukuyang suspendido ang hearing patungkol sa SB 202 matapos tutulan ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency, atbp. sa pagpupuntong "maeengganyo" gumamit ng droga ang kabataan.

Nagdadalawang-isip, pero hindi iaatras

Sa kabila ng reaksyong nakukuha ng kanyang panukala sa mga Senate hearing, aminado ang senador na nagdadalawang-isip na siya tungkol dito lalo na't baka magpadala ito ng "wrong signal" sa publiko.

"Nagdadalawang-isip na rin ako being the proponent of such measure, nagdadalawang-isip na rin ako," sabi niya sa isang panayam ng dzBB, Biyernes.

"That’s the beauty of Senate hearings, napakinggan mo both sides at ‘yun nga being the proponent of such [a] measure medyo nagdadalawang isip ako ngayon."

Sa kabila nito, inilinaw niyang wala siyang planong iatras ang naturang panukala.

Aniya, iniakda niya ito noong kasagsagan ng war on drugs kung saan punong-puno ang mga presuhan ng drug offenders: "So naawa tayo, naawa tayo dun sa mga nagsisiksikan. Gusto natin na ma-decongest so napag-isipan natin na pwedeng i-decriminalize ‘yung drug using."

Anong gagawin sa drug users, may possession?

Layon ng SB 202, na Hulyo 2022 pa inihain, na amyendahan ang Republic Act 9165 o "The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002." 

Kung maisasabatas ang SB 202, mapapalitan ang Section 15 ng RA 9165 na dating nagpaparusa sa paggamit ng droga.

Ganito na ang lalamanin niyan:

A person apprehended or arrested, who is found to be positive for use of any dangerous drug, after a confirmatory test AND A SCREENING AND DRUG DEPENDENCY EXAMINATION SHALL BE REFERRED TO AN APPROPRIATE DRUG TREATMENT AND REHABILITATION PROGRAM AS RECOMMENDED BY A DOH-ACCREDITED PHYSICIAN. If apprehended using any dangerous drug for the second time AND SUBSEQUENTLY, THE PERSON SHALL BE CONSIDERED AS A CASE OF RELAPSE AND SHALL BE REFERRED AGAIN TO A DOH-ACCREDITED PHYSICIAN FOR RECOMMITMENT TO A DRUG TREATMENT AND REHABILITATION FACILITY.

Dati'y merong kulong na anim na hanggang 12 taon ang paggamit ng iligal na droga maliban pa sa multa na aabot sa P200,000.

Sa kabila nito, makukulong at pagmumultahin pa rin ang mahuhulihan ng ganito karaming droga:

  • 10 gramo pataas ng opium
  • 10 gramo pataas ng morphine
  • 10 gramo pataas ng heroin
  • 10 gramo pataas ng cocaine
  • 50 gramo pataas ng shabu
  • 10 gramo pataas ng marijuana resin o marijuana resin oil
  • 500 gramo pataas ng marijuana
  • 10 gramo pataas ng ecstacy, LSD, atbp.

Una nang pinuri ng human rights lawyer na si Chel Diokno ang panukala ni Dela Rosa, pero aminado siyang sana'y matagal na itong ginawa.

"While this could be considered as a belated move, we fully welcome the proposed legislation to decriminalize drug use," sabi niya kahapon sa Facebook.

"Ang adiksiyon sa droga ay health problem na, ayon sa mga eksperto, nireresolba sa rehabilitasyon at iba pang makataong paraan, at hindi sa karahasan at rehas na bakal. Maraming bansa na ang nagpatupad nito at naging epektibo."

Matagal nang decriminalized sa ibang bansa ang paggamit ng droga gaya ng sa Portugal. Matapos ito, kapansin-pansin ang "dramatic drop" sa mga overdoses, HIV infection at drug-related crime.

Inaaral ito ngayon bilang ebidensya ng mga harm-reduction movements sa buong mundo.

vuukle comment

DRUG USE

EXTRAJUDICIAL KILLINGS

RONALD

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with