Pekeng pera kakalat ngayong Pasko
PNP nagbabala
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa pagkalat ng pekeng pera ngayong Kapasukuhan.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, kailangan na maging maingat ang lahat partikular ang mga mamimili at pakikipag-transaksiyon sa palengke at mga shopping malls.
“Nagpapaalala ang PNP na mag-ingat po tayo sa ating mga transaksyon kapag tayo ay namimili sa mga palengke, mall, lalung-lalo na na ganitong pagkakataon na marami tayong mga balikbayan na uuwi at may bitbit na mga remittance,” ani Fajardo.
Ngayon inaasahang maraming magbabalik bayan ngayong Pasko, paalala ni Fajardo na magpapalit lang ng kanilang pera sa mga authorized money changer upang hindi sila mabiktima ng panloloko.
Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na bumili na ng mga regalo nang mas maaga upang hindi makipagsiksikan o sumabay sa holiday shopping rush.
“‘Wag na tayong sumabay doon sa Christmas rush na sinasabi. Kung kayang mamili nang mas maaga, ‘wag humalo doon sa napakamarami. Kapag ganyan na maraming tao, diyan madalas nagkakaroon ng switching ng pera,” dagdag pa ni Fajardo.
Nauna nang pinayuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na sipatin nang mabuti ang pera upang malaman kung ito ay peke o hindi.
- Latest