Bong Go sa Grab: Rate increase sa riders, ‘wag muna
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang transportation network company Grab Philippines na maging patas at balanse sa interes ng negosyo sa pagitan nila ng kanilang riders at customers sa gitna ng planong pagtaas ng kumpanya sa commission rates.
“Balansehin muna natin nang maayos ang interes po ng ating delivery service drivers to earn more at ang mga consumers naman natin na hindi lumaki ang kanilang gastusin,” sabi ni Go matapos siyang mamahagi ng tulong sa mga nasunugan sa Las Piñas City.
Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng bawat piso para sa mga rider pati na rin sa mga customer na nakikiusap sa kumpanya na huwag ilipat ang pasanin sa kanila.
Ang increase ng komisyon ng Grab ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng gasolina kaya sinabi ng delivery riders at driver na nagpetisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na i-regulate ang app-based ride-hailing at delivery services.
“Nasa gitna pa tayo ng krisis, kung maaari pag-aralan muna nang mabuti na hindi masyadong pabigat sa ating mga kababayan lalung-lalo na po sa mahihirap,” anang senador.
Samantala, ibinahagi ni Go na inihain niya ang Senate Bill No. 1184 na naglalayong protektahan ang kapakanan at interes ng delivery service riders sa bansa.
Sa kabila ng paglalagay sa kanilang buhay sa panganib ng pandemya, ang mga delivery riders sa kasamaang-palad ay nahaharap minsan sa mga hindi patas na kasanayan at insidente ng peke o nakanselang mga booking at order.
Ito ang nagbunsod sa mambabatas na itulak ang pagpapalakas ng proteksyon at kapakanan ng delivery riders sa bansa. Nais ni Go na ang kapakanan at kaligtasan ng customer at riders ay kapwa mapangangalagaan sa bawat transaksyon.
- Latest