Pamilya Corona, naniniwalang ‘vindication’ ang pagbasura ng Sandigan sa forfeiture case
MANILA, Philippines — Labis na ikinagalak ng pamilya ni dating Chief Justice Renato Corona ang desisyon ng Sandiganbayan na nagbabasura sa P130.59 milyong forfeiture case na isinampa laban sa kanila noong 2014.
Ayon sa abodago ng pamilya Corona na si Atty. Carlos Villaruz, itinuturing nila itong “vindication” para sa nasirang Punong Hukom na hinatulang “guilty” ng Senate impeachment court noong 2012 dahil umano sa kabiguan nitong ideklara ang lahat ng kanyang yaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Maliban sa impeachment, naharap din si Corona at ang kanyang pamilya sa patung-patong na kaso, kabilang ang tax evasion, at ang lahat ng ito ay ibinasura ng mga korte. Ang forfeiture case sa Sandiganbayan ang pinakahuling napagtagumpayan ni Corona na pumanaw noong 2016 sa edad na 67.
“CJ Corona’s family has been in agony and suffered all these years because of these cases, and with the dismissal of this last case, they cannot help but feel vindicated since our courts have consistently ruled that CJ Corona and his family did nothing wrong,” pahayag ni Villaruz.
Dagdag pa ng abogado ng pamilya: “The family and various support groups of CJ Corona simply hope that he will be remembered for upholding judicial independence, the rule of law, and the delivery of justice to oppressed sectors of society. With this recent court decision, they are sure that CJ Corona is cheering and smiling in heaven.”
Nagpahatid din ng pasasalamat ang pamilya Corona sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at taga-suporta na nagsilbi nilang lakas para patunayang sila ay inosente sa lahat ng paratang laban sa kanila.
Nagpasalamat din sila sa mga korte, kabilang ang Sandiganbayan, sa pagpapatunay na walang kasalanan ang dating Punong Mahistrado.
Sa desisyon ng Sandiganbayan, sinabi nito na bagama’t may mga “undisclosed assets” si Corona sa kanyang SALN, hindi maituturing ang mga ito na unexplained wealth dahil ang mga miyembro ng pamilya ay nagawang patunayan na mayroon silang iba pang mapagkukunan ng mga pondo.
- Latest