Badoy, pinagkokomento ng SC sa ‘indirect contempt’ petition
MANILA, Philippines — Pinagkokomento ng Supreme Court si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy-Partosa na sagutin ang petisyon na inihain ng ilang abogado na hinihiling na sampahan siya ng “indirect contempt” ukol sa kaniyang social media post laban kay Manila Judge Marlo Magdoza-Malagar.
Sa SC en banc resolution, binigyan si Badoy ng 15 araw para magsumite ng komento tungkol dito.
Sa petisyon ng mga abogado sa pangunguna ni dating Philippine Bar Association president Rico Domingo, dinungisan umano ng Facebook post ni Badoy ang pagkatao at reputasyon ni Judge Magdoza-Malagar at nagresulta rin ng hindi pagrespeto maging sa lahat ng miyembro ng Philippine Bench at Bar.
Si Judge Malagar ang nagponente ng desisyon na nagbabasura sa petisyon ng gobyerno na ideklara ang CPP-NPA bilang teroristang grupo, na tinuligsa ni Badoy.
Nitong Setyembre 27 ay naglabas ng babala ang SC sa sinuman na mananawagan ng karahasan sa social media sa mga huwes at kanilang pamilya.
- Latest