Sports heroes, ihimlay sa Libingan ng mga Bayani – solon
MANILA, Philippines — Nanawagan ng suporta si 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert Barbers sa mga kasamahang mambabatas na suportahan ang kaniyang panukalang batas para payagan ang mga sports heroes ng Pilipinas na mailibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City.
Ito’y alinsunod sa House Bill (HB) 3716 o ang Sports Heroes na inihain ni Barbers sa Kamara na ayon sa Kongresista ay bilang pagkilala sa karangalan na inihatid sa bansa ng mga sports heroes lalo na sa mga nakapag-uwi ng medalyang ginto, silver at bronze.
Ang mga “Sports Heroes” ayon kay Barbers ay yaong mga Filipino athletes na may magandang karakter, integridad, may pambihirang husay na maipagmamalaki ng Pilipinas sa buong mundo sa dinala ng mga itong karangalan sa pagwawagi sa kumpetisyon sa ibang bansa tulad sa Olympics at iba pa.
Nabatid na ang pagkamatay ng Asian track and field legend at Philippine sports icon na si Lydia de Vega ang nagtulak kay Barbers para ihain ang nasabing panukalang batas.
Si de Vega ay namatay noong Agosto 2022 matapos ang apat na taong pakikipaglaban sa sakit na breast cancer.
“I think they should be given a place at the Libingan ng mga Bayani for giving honor to our race,” anang Surigao del Norte solon na ikinumpara ang mga sports heroes sa mga bayaning nakipaglaban sa bayan para sa kasarinlan.
Ayon kay Barbers sa kasalukuyan ang pinahihintulutan lamang mailibing sa LNMB ay mga namatay na Presidente, Medal of Valor awardees, AFP Chiefs of Staff, Vice Presidents, Secretary ng National Defense, General/Flag Officers, aktibo at mga retiradong AFP personnel, Justices ng Supreme Court, Justices ng Court of Appeals, Senators, Senate President at iba pa pero ‘di kasama ang mga sports heroes.
Ipinunto ni Barbers na kailangang mapagtibay ang nasabing panukalang batas para maihimlay rin sa LNMB ang mga sports heroes ng bansa.
- Latest