Bagyong 'Karding' P108.83-milyong halagang pinsala na idinulot sa agrikultura
MANILA, Philippines — Lagpas daang milyon na ang napipinsala ng nagdaang Super Typhoon Karding sa mga pananim atbp. sa sektor ng agrikultura matapos nitong tuluyang lumabas sa Philippine area of responsibility.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, Miyerkules, aabot na sa P198,837,409.87 halaga ang estimated production loss o cost ng bagyo sa ngayon.
- Ilocos Region (P4.13 milyon)
- CALABARZON (P87.23 milyon)
- Bicol Region (P15.72 milyon)
- Cordillera Administrative Region (P1.78 milyon)
Malaking pagtalon ito mula sa P1.52 milyong pinsala na naitala nitong Martes.
Tinatayang aabot na sa 2,640 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng nasabing bagyo, na siyang nagtratrabaho sa pinagsama-samang 4,469 ektarya.
Una nang iginiit ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, atbp. ng P15,000 production subsidy mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makaagapay ang mga nabanggit sa pagkakasalanta ng bagyo.
Kamakailan lang nang ideklara ang state of calamity sa Nueva Ecija matapos mag-iwan ni "Karding" ng sari-saring pinsala sa mga pananim at mga istruktura.
Pumalo naman na sa P23.05 milyong halaga ang napinsala ng bagyo, na sinasabing pinakamalakas na pumasok sa Pilipinas ngayong 2022, sa imprastruktura.
Apektado nasa 157,000
Lagpas daanlibo naman na ang naaapektuhang populasyon ng nasabing bagyo, dahilan para lumikas ang marami sa kanila. Ilan na rin ang pumanaw, ayon sa NDRRMC:
- apektadong populasyon (157,023)
- patay (8)
- nawawala (5)
- lumikas na nasa evacuation centers (37,135)
- lumikas na wala sa evacuation centers (15,759)
Sa kabutihang palad, wala pa namang naitatalang sugatan sa ngayon.
Ilan sa mga lubhang naapektuhan ng bagyo ay ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bikol at Cordillera Administrative Region.
Matatandaang umabot sa Signal no. 5 ang bagyong "Karding" sa ilang bahagi ng Quezon atbp. lugar.
- Latest