Patay kay 'Karding' naiulat na sa 9, nawawala umakyat sa 3 — NDRRMC
MANILA, Philippines — Umabot na sa siyam ang naiulat na namatay mula sa nagdaang Super Typhoon Karding, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong 2022, ito habang tatlo naman ang nawawala pa.
Ito ang ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Martes, ngayong kakalabas lang ng Philippine area of responsibility ang nasabing bagyo.
Lunes lang nang unang maiulat ang pagkamatay ng limang rescuers na nalunod sa San Miguel, Bulacan, bagay na nakumpirma na.
Ang karagdagang apat na casualties ay pare-parehong kinukumpirma pa: dalawa sa Zambales, isa sa Bataan at isa sa Polillo, Quezon.
"Then, sa missing naman, 3 ang reported sa Mercedes, Camarines Norte," dagdag ng NDRRMC sa reporters sa isang Viber group kanina.
Maliban sa mga 'yan, narito ang iba pang mga apektadong populasyon:
- total affected persons (60,817)
- lumikas na nasa loob ng evacuation center (46,008)
- lumikas na nasa labas ng evacuation centers (5,803)
Kasama sa mga rehiyong naapektuhang lugar ay nagmula sa:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Cordillera Administrative Region
Matatandaang tinamaan ng Signal no. 5 ang ilang lugar sa Quezon, Aurora, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan at Rizal.
Umabot na tuloy sa P1.52 milyong halaga ng pinsala ang naitatala sa ngayon sa sektor ng agrikultura, bagay na nakaapekto na sa 276 magsasaka't mangingisda sa ngayon. Ang nabanggit ay naitala sa 394.716 ektaryang lupain.
Kaugnay niyan, una nang hinamon ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng P15,000 unconditional production subsidy sa mga magsasaka't mangingisda.
Umabot naman na sa ngayon sa P3 milyon ang naiuulat na pinsala sa imprastruktura sa rehiyon ng MIMAROPA.
Pumalo naman na sa P1.62 milyong halaga ng tulong ang naipapamigay sa Regions 2, 3, 5 at CAR sa ngayon, sa porma ng family food packs, tubig, atbp.
Ayaw pa namang bumisita sa anumang lugar na labis na napinsala ni "Karding" si Marcos Jr. sa dahilang makakaabala lang daw siya. Sa halip, nag-aerial inspection lang siya na siyang nabatikos ng ilang grupo.
- Latest