5 rescuers sa Bulacan nalunod sa kasagsagan ng bagyong 'Karding'
MANILA, Philippines — Imbis na makasagip ng buhay, limang rescuers ang binawian ng buhay matapos malunod sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng noo'y super typhoon na si "Karding," ayon sa local police officers.
Matatandaang umabot sa Signal no. 5 sa ilang lugar sa Bulacan ang sama ng panahon, na itinuturing na siyang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong 2022.
"They were deployed by the provincial government to a flooded area," ani Police Lt. Col. Romualdo Andres, hepe ng San Miguel police, Lunes.
Ani Andres, binabaybay ng rescuers ang baha nang biglang gumuho ang pader sa kanilang likuran, na siyang nagdala raw sa kanila sa mabilis na agos ng tubig.
Ayon sa nakapanayam ng News5, lampas tao ang taas ng baha noong panahong iyon. Sinasabing pito sila na sakay ng bangka nang magtungo sa naturang lugar.
Nakasuot pa ng life jacket ang isa sa mga bangkay habang sinusubukang i-recover ng mga taga morgue sa video na nakunan.
Humihingi pa ang media ng mga karagdagang detalye mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council sa ngayon patungkol sa pagkikilanlan ng mga biktima.
Sa kabila nito, wala pang bagong situation report ang NDRRMC patungkol sa mga sinasabing namatay.
Una nang sinabi ng Department of Health at Department of the Interior and Local Government na wala pa silang naitatalang namamatay at sugatan dahil sa naturang bagyo.
Nagbuhos ng malakas na ulan at hangin ang nasabing bagyo sa pagragasa nito sa Luzon nitong Linggo at ngayong araw, dahilan para matumba ang maraming puno at bahain ang mababang mga lugar.
Pagpapakawala ng tubig sa dam
Kanina lang nang sabihin ng DILG na halos 75,000 na ang pre-emptively evacuated sa ngayon kaugnay ng bagyo, karamihan dito mula sa National Capital Region at CALABARZON.
Makikita sa isinagawang aerial inspection kanina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang labis na pagbahang naitala sa Bulacan, Nueva Ecija at Tarlac, ang marami riyan tinamaan ng Signal no. 5.
Ngayong umaga lang din nang magpaskil ang sari-saring netizens mula tungkol sa sitwasyon sa Bustos Dam sa Bulacan, na siyang nagpakawala ng tubig dahil sa pagtaas ng lebel nito.
"Pinaalam din po natin sa lahat na patuloy pa din po ang pagpapakawala ng tubig ng Bustos Dam na nagiging sanhi ng pagtaas ng level ng tubig sa ating kailugan," ani Bustos Mayor Francis Albert Juan, na siyang bumisita sa dam sa Barangay Tibagan kanina kasama ang Bustos Bureau of Fire Protection at Punong Barangay Kambal Gervacio
"Pinapayuhan po natin ang lahat ng mga mamamayan at mga karatig Bayan na nasa apektadong areas na maging alerto at manatili muna sa mga ligtas na lugar. Keep Safe Bustosenyo. Magiingat po tayong lahat."
Isa sa mga napuruhan ng bagyo ang Polillio Islands sa probinsya ng Quezon, na siyang sinalpok noong nag-landfall ito.
Taun-taon ay tinatayang nasa 20 tropical cyclones ang pumapasok sa Philippine area of responsibility, ang pinakamarami sa buong daigdig.
Walo hanggang siyam dito ang sumasalpok mismo sa kalupaan ng Pilipinas. Pero ayon sa PAGASA, kumokonti sa ngayon ang mga bagyo ngunit lumalakas kasabay ng epekto ng climate change. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5 at Agence France-Presse
- Latest