Biden 'impressed' sa Ilocos Norte windmills na itinayo naman ng private sector
MANILA, Philippines — Pinapurihan ni US President Joe Biden si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa windmills na kilalang-kilala sa Ilocos Norte — ito kahit proyekto ito ng NorthWind Power Development Corp. (NWPDC) atbp. pribadong kumpanya.
Ito ang sinabi ni Biden, Huwebes (oras sa Amerika), kay Marcos Jr. habang nakikipagkita sa kanya sa New York, USA kasabay ng isinasagawang United Nations General Assembly.
"Today, I look forward to discussing the opportunities for a wide range of issues, including COVID-19 recovery, energy security, and renewable energy," wika ng presidente ng Amerika sa isang talumpati.
"I was impressed with the work you did on windmills and a whole range of other things. You and I both think that’s the future; we can do a lot."
Martes lang nang dumating si Marcos Jr. sa Amerika para sa kanyang scheduled speech sa UNGA.
Habang naroon, sinabi ni Biden na gusto niya pa ng mas malakas na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at USA sa gitna ng krisis.
"The relationship between the United States and the Philippines, to state the obvious, has very deep roots," dagdag pa ng US head of state.
"We’ve had some rocky times, but the fact is it’s a critical, critical relationship, from our perspective. I hope you feel the same way."
Sari-saring Ilocos windmills, panay 'di Marcos initiative
Matagal nang ipinakakalat sa sari-saring viral fake news pages at videos na si Bongbong ang nasa likod ng naturang project, kahit hindi naman, lalo na noong panahon ng 2022 presidential elections.
Sinuportahan lang ni Marcos Jr. ang pagpapatayo ng Bangui Bay Wind Farm noong nakaupo pa siya bilang gobernador ng Ilocos Norte mula 1998 2007. Isa lang 'yan sa marami pang windmills sa probinsya na ipinatayo ng pribadong sektor.
Ang pagpapatayo ng nasabing proyekto ay nakabatay sa 1996 study ng National Renewable Energy Laboratory ng Estados Unidos, na nakitang swak ang Ilocos Norte bilang isa sa mga lokasyon na pwedeng pagkunan ng kuryente gamit ang windmills. NWPDC pa rin ang nagmamay-ari at nagpapatakbo ng planta hanggang ngayon.
Bukod sa Bangui windmills, nariyan sa Ilocos Norte ang mga sumusunod na windmills na ipinatayo, pinatatakbo at pagmamay-ari ng sumusunod na kumpanya:
- Burgos Wind Power (EDC Burgos Wind Power Corp.)
- Caparispisan Wind Power (Ayala-owned AC Energy Holdings Inc., Philippine Investment Alliance for Infrastructure at UPC Philippines Wind Holdco)
Ika-2 ng Marso lang din nang ipakalat ng talunang senatorial candidate na si Larry Gadon na si Bongbong ang nasa likod ng pagpapatayo ng windmills, na siyang nais niyang itulak bilang viable renewable energy source.
"Alam niyo iyong project na-initiate ni Bongbong Marcos doon sa Ilocos Norte, iyong windmill power source, iyan ang pinakamalaking energy producer in Southeast Asia," ani Gadon, na kilala sa pagpapakalat ng disinformation.
"So, dapat kopyahin natin iyon, ipalaganap natin iyon. I-improve natin iyong mga water catchment system so that we can use the turbine technology. This is a very cheap cost of a source of energy, iyong turbines."
Sa 2021 commercial ni Bongbong habang kumakandidato sa pagkapangulo, kapansin-pansin ding ginagamit niyang backdrop ang mga nasabing windmill sa Ilocos Region.
Matagal nang napupuna ng ilang netizens na porma ito ng "credit grabbing" sa parte ng presidente, na siyang napapaypayan din ng disinformation.
- Latest