Omicron BA.5 napasok na 'halos lahat ng rehiyon sa bansa,' sabi ng DOH
MANILA, Philippines — Naitala ang halos 900 karagdagang kaso ng COVID-19 Omicron subvariant BA.5 sa halos lahat ng rehiyon sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.
Ayon kay DOH assistant spokesperson Usec. Beverly Ho, lumalabas sa isinagawang latest genome sequencing run na lahat ng rehiyon sa bansa ay kumpirmadong napasok na ng naturang variant maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani and General Santos).
Sa naitalang 890 bagong kaso ng BA.5 variant, 232 dito ay mula National Capital Region, 252 ang mula Western Visayas, 136 mula CALABARZON (Region 4A), 63 mula Cordillera Administrative Region, 59 mula Cagayan Valley, 46 mula Central Luzon, 37 mula MIMAROPA (Region 4B), 29 mula Ilocos Region, 13 mula Bicol Region, lima mula Central Visayas at Zamboanga Peninsula, at tig-isa mula Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at CARAGA.
Ani Ho, 823 sa naitalang bagong kaso ay nakarekober na habang sumasailalim pa sa isolation ang 31. Samantala, ibineberipika pa ang 36 kaso.
Bukod dito, naitala rin ng ahensya ang siyam na returning overseas Filipinos na silang nagpositibo sa BA.5 variant.
Batay sa latest sequencing run ng DOH, kasalukuyang nasa 1,997 na ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na tinamaan ng naturang COVID-19 variant sa bansa.
Una nang sinabi ng kagawaran na pinakadominante ngayon sa mga COVID-19 Omicron subvariant sa ilang rehiyon ang BA.5, na una nang sinabing mas nakahahawa kaysa sa karaniwan.
Martes lang nang sabihin ng DOH posibleng umabot sa 19,306 COVID-19 cases ang maitala sa kada araw lang sa pagtatapos ng ika-31 ng Agosto batay sa kanilang projections.
Sa kabila nito, pwede raw itong mapababa pa kung darami ang mga magpapabakuna, magpapa-booster at susunod sa minimum public health standards. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest