^

Bansa

Non-mandatory uniforms 'welcome,' pero tuition increases unahing itigil — party-list

James Relativo - Philstar.com
Non-mandatory uniforms 'welcome,' pero tuition increases unahing itigil  — party-list
Grade 1 student of St Mary Elementary school in Marikina City during face to face class (June 20, 2022).
The STAR/Walter Bollozos, File

MANILA, Philippines — Bagama't "welcome development," idiniin ng isang progresibong party-list na hindi sapat ang gawing optional ng Department of Education (DepEd) ang mga uniporme sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at ng pandemya.

Lunes kasi nang sabihin ni Bise Presidente Sara Duterte — na gumampan din ng tungkulin bilang DepEd chief — na "hindi required" magsuot ng uniporme ang mga public school students sa pagbabalik ng face-to-face classes ngayong nagtataasa ang presyo ng bilihin at COVID-19 crisis.

Bagama't okey daw ito, ipinaalala ng Kabataan party-list na hindi naman na bago ang gustong ipatupad ni Duterte simula nang ipatupad ang DepEd Order 65 noong 2010.

"Mainam na hindi na required ang uniforms. Pero kung nais talaga ng DepEd na bawasan ang pasanin ng mga estudyante, dapat pigilan din ang pagtaas ng matrikula at ibang bayarin," ani Kabataan Rep. Raoul Manuel, Martes.

Libre ang tuition sa mga pampublikong paaralan, deregulated naman sa mga pribado. 

"Nagsampa din tayo ng resolusyon sa Kongreso upang magpatupad ng moratorium sa pagtaas ng tuition and other fees. Susuportahan ba ng DepEd ang mga panukalang ito?"

Ayon kay Manuel, nagtaas kasi ng 4.74% ang tuition fees habang 10.61% naman ang iminahal ng "other school fees" noong huling academic year kung ia-average ito.

Ang lahat ng ito ay nangyayari kasabay ng 6.1% inflation rate nitong Hunyo. Huling beses na mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Oktubre 2018 nang umabot ito sa 6.7%.

Sa kabila niyan, hindi naman gaano malaki ang itinaas ng minimum wage ng mga manggagawa na siyang nakapako pa rin sa P570/araw sa Metro Manila — ang pinakamataas sa Pilipinas.

Sabi pa ng Kabataan party-list, bukod sa "unoriginal," populista lang daw talaga ang pahayag ni Duterte patungkol sa non-mandatory uniforms para mapahupa ang galit ng taumbayan. Sa huli't huli, band-aid action daw ito upang pagtakpan ang diumano'y criminal negligence ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Una nang ni-refile nina Manuel at ng Makabayan bloc ang House Bill 252 o Emergency Student Aid and Relief Bill ngayong 19th Congress para bigyan ng P10,000 cash assistance para sa learning expenses ng mga estudyanteng naapektuhan ng COVID-19 pandemic at mga kalamidad.

 

 

"Sa bahagi naman ng [Pangulong Ferdinand] Marcos Jr. admin ay dapat magbigay ng student aid, at kontrolin ang presyo ng langis at mga bilihin, lalo na ng pagkain," wika pa niya.

Si Marcos Jr. ay kasalukuyang tumatayong kalihim ng Department of Agriculture sa ngayon, na hindi makapaniwala sa kasalukuyang inflation rate. Matatandaang kasama sa kanyang campaign promises ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa P20/kilo.

AID

DEPARTMENT OF EDUCATION

KABATAAN PARTY-LIST

NOVEL CORONAVIRUS

SARA DUTERTE

TUITION FEE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with