Batang edad 12-17 pwede nang turukan ng COVID-19 booster shot
MANILA, Philippines — Maaari nang makatanggap ng COVID-19 booster shot ang mga kabataang may edad 12 hanggang 17, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Martes.
"Children aged 12 to 17 can now get their booster dose against COVID-19!" saad ng kagawaran sa kanilang Resbakuna Update na ipinaskil sa Twitter.
RESBAKUNA UPDATE!
— Department of Health (@DOHgovph) July 5, 2022
Pwede na magpa-booster dose ang mga edad 12-17 taong gulang!
Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang sumusunod na FAQs.
Maaari niyong tingnan ang listahan ng mga kabilang sa immunocompromised dito: https://t.co/zVxVp0xcGC pic.twitter.com/A8xViWD1wO
Ika-21 pa ng Hunyo nang iulat na inaprubahan na ito ni noo'y Health Secretary Francisco Duque III para sa naturang age group. Sa kabila nito, binabalangkas pa lang noon ang mga guidelines para dito noon.
"It was stated in our guidelines that all [local government units]/Vaccination sites who are ready to implement — trained [healthcare workers], with appropriate vaccines, etc — can already implement," ani Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang Viber message sa reporters kanina.
Batay sa inilabas na information poster ng Kagawaran, as of June 2022 ay tanging Pfizer vaccines lang ang ibibigay sa kabataang may edad 12 hanggang 17 bilang kanilang unang booster dose.
Dagdag pa rito, pinaalalahanan din nila ang mga magulang para sa interval ng mga batang kabilang sa pediatric population. Anila, 28 days ang agwat para sa mga kasali sa listahan ng immunocompromised (mga may sakit o mahina ang immune system) at limang buwan naman para sa general population.
Maaaring irehistro ng mga magulang ang kanilang anak para sa booster shot sa pamamagitan ng registration website ng lokal na pamahalaan na kanilang kinabibilangan. Maaari din anilang magparehistro sa barangay.
Samantala, pinaalalahanan ng DOH ang mga magulang na hindi pa maaaring kumuha ng booster shot ang mga batang 5-anyos hanggang 11.
"Kinukumpleto muna ng FDA at HTAC ang pagsusuri bago magkaroon ng booster para sa mga edad 5-11," saad pa nila sa hiwalay na paskil nitong Lunes.
Kasalukuyang nasa mahigit 70 milyong indibidwal na ang fully vaccinated sa bansa samantalang mahigit 15 milyon naman ang nakatanggap na ng booster o additional dose. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest
- Trending