Pagpapakalat ng maling impormasyon, ‘terrorist act’
MANILA, Philippines — Itinuturing ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na “terrorist act” ang pagpapakalat ng maling impormasyon at pagpapalaganap ng baluktot na adhikain na ugat ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino.
Ganito ipinagtanggol ni Esperon ang pakiusap sa National Telecommunications Commission (NTC) na i-block ang 26 websites na diumano’y kakampi o tagasuporta ng mga rebeldeng komunista maging ng mga grupong terorista. Nagpasalamat din si Esperon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba matapos na pagbigyan ang hiling nito na huwag ng payagang gumamit ng digital space ang mga nasabing websites.
Kabilang sa mga ito ang Bulatlat at Pinoy Weekly na nagsasabing sila ay independent media.
Ayon kay Esperon, malinaw na ang mga inilalabas ng dalawang organisasyon ay ang mga adhikain at prinsipyo ng mga kaanib ng Communist Party of the Philippines; New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Iginiit din ni Esperon na kabilang sa responsibilidad ng NTC ay siguraduhing ligtas ang mga tao laban sa mapanirang pahayag.
“We cannot simply turn a blind eye to the fact that they have actively supported organizations affiliated with the CPP-NPA-NDF,” dagdag ni Esperon.
Nilinaw naman ni Esperon na hindi pagpigil sa freedom of speech ang ginawa ng NTC dahil pwede pa rin namang maglabas ng ulat ang mga ito hindi na nga lang pagagamitin ng digital space ng pamahalaan.
Gayunpaman, sinabi ni Esperon na ang kalayaan sa pagsasalita ay hindi pinipigilan ng Anti-Terrorism Act of 2022 bagkus inilalagay lang sa tama.
- Latest