Vloggers na may higit 20K followers, bibigyan ng accreditation ng Palasyo
MANILA, Philippines — Balak gamiting batayan o panukat ng papasok na pinuno ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang mataas na pakikipag-ugnayan at ang bilang ng mga tagasunod upang payagan ang isang vlogger na ma-cover ang Palasyo ng Malacañang.
Ayon kay incoming PCOO chief Trixie Cruz-Angeles, kasalukuyan nilang sinusuri ang vlogger accreditation policy ng Malacañang, na inilagay sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Under the old policy kasi there’s a 20,000 followers na limit, na kailangan malagpasan po nila in order to be considered,” ani Angeles.
Sa ngayon aniya ay tinitingnan ang “engagements” o reaksiyon ng mga tao sa sinusulat o ipinapakita ng isang vlogger.
Magkaiba rin aniya ang ‘following’ at ang engagements.
Pinag-aaralan pa rin kung isasama siya sa mga regular na miyembro ng Malacañang Press Corps o kaya ay magkaroon ng ibang events para sa mga vloggers.
Kaugnay nito, sinabi ni acting Palace spokesperson Martin Andanar na ipinauubaya na nila sa papasok na administrasyon ang akreditasyon ng mga vlogger.
Ang access sa Malacañang coverage ay kalimitang limitado sa mga mamamahayag sa telebisyon, radyo, online news outfits, at mga pahayagan pero pinayagan ni Andanar noong 2017 ang accreditation ng mga piling social media users sa pamamagitan ng isang department order.
- Latest