Malacañang muling kinilala ang mga beterano, modern day heroes sa Araw ng Kagitingan
MANILA, Philippines — Muling kinilala ng Malacañang sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan ang mga beteranong Filipino na lumaban sa giyera at maging ang mga itinuturing na mga makabagong bayani ng bansa.
Umaasa rin ang Palasyo na patuloy na tutularan ng mga mamamayan ang kabayanihan ng mga sundalong lumaban sa Bataan noong World War II.
“We join the entire Filipino nation in commemorating Araw ng Kagitingan or Valor Day,” pahayag ng Malacañang sa inilabas na statement.
Ayon kay presidential spokesperson Martin Andanar, bukod sa mga beterano, dapat ding kilalanin ang mga “modern-day” heroes na nagsilbi sa kasagsagan ng COVID-19.
Kabilang aniya dito ang mga medical at health care professionals, magsasaka, mga opisyal at empleyado ng gobyerno, law enforcement personnel, firefighters, ay frontliners mula sa food service, transportation, at iba pang mga manggagawa.
Pinuri rin nito ang dedikasyon ng mga manggagawa na nagsilbi at tumiyak na maipagpapatuloy ang mga serbisyo sa mga mamamayang Filipino kahit pa manganib ang kanilang buhay.
Si Justice Secretary Menardo Guevarra ang nanguna sa ika-80 “Araw ng Kagitingan” sa Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat National Shrine sa Pilar, Bataan na may temang “Kagitingan ng mga Beterano, Inspirasyon ng Nagkakaisang Pilipino.”
- Latest