^

Bansa

'Itaas na dapat': Workers nakulangan sa DOLE minimum wage review sa gitna ng oil price hikes

James Relativo - Philstar.com
'Itaas na dapat': Workers nakulangan sa DOLE minimum wage review sa gitna ng oil price hikes
Sa file photo na ito, makikita ang isang nagproprotestang humihiling ng umento sa sahod habang tinututulan ang walang-habas na pagtaas ng presyo ng langis
The STAR / Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — "Positive development" man, idiniin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi sapat ang minimum wage review ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong sumisirit ang presyo ng produktong petrolyo — dapat, aksyunan na raw ang mga nakabinbing wage increase petitions.

Miyerkules nang utusan ni Labor Secretary Silvestre Bello III lahat ng wage boards sa bansang pabilisin ang kanilang mga review sa minimum na pasahod habang nasa ika-10 sunod na linggong oil price hike na ang Pilipinas.

"Mayroong mga petisyon na nakasampa sa iba’t ibang [regional wage boards] pero hindi sila pinapansin. Kasabay nito, patuloy ang panawagan nating ipasa na ang P750 National Minimum Wage Bill," wika ni KMU chair at senatorial candidate Elmer "Ka Bong" Labog, Huwebes.

"[H]indi pwedeng makupad ang pag-aaral at pagpapatupad sa mga wage increase... Kailangan ng maagap na aksyon mula sa [administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte] sapagkat napakatagal nang nagugutom at nagigipit ang manggagawang Pilipino."

Ngayong Marso lang nang sabihin ni Bello na masyadong maliit ang P537 na minimum wage sa National Capital Region, na siyang mas mababa pa sa ibang parte ng Pilipinas.

Kamakailan lang nang sabihin ng Department of Energy (DOE) na malabo pa ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo at malamang sa malamang ay tumaas pa, bagay na pinangangambahang magpapasirit sa presyo ng iba pang mga pangunahing bilihin habang nangyayari ang sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia.

"Sa ilalim ng administrasyong Duterte, dalawang beses lamang nagpatupad ng wage increase na lalo pang bumagsak ang tunay na halaga dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bago pa man magumpisa ang taon, walang humpay na ang pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin," dagdag pa ni Labog, na kumakandidato sa ilalim ng Makabayan blo9c.

Taong 2019 pa ihain ng Makabayan bloc ang House Bill 246 sa Kamara para magtakda ng national minimum wage sa mga manggagawa ng pribadong sektor. Pending pa rin ito sa Committee on labor and Employment hanggang sa ngayon.

P750/araw lang ang hinihinging national minimum wage ng mga militanteng mambabatas at ni presidential candidate Ka Leody de Guzman gayong P1,072 kada araw ang itinuturing na "family living wage" ng IBON Foundation para sa Metro Manila sa mga pamilyang lima ang miyembro.

Taong 2018 nang sabihin ni dating Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na P42,000/buwan ang sahod na kailangan ng isang manggagawang nagtataguyod sa pamilyang lima ang miyembro para mabuhay sila nang disente.

'Balanced minimum wage review'

Ayon kay presidential candidate Panfilo "Ping" Lacson kanina sa Bombo Radyo, napapanahon na ang review ng minimum wage para matulungan ang mga obrerong pasanin ang nagtataasang presyo ng langis dahil pa rin sa Russian-Ukranian conflict. Gayunpaman, dapat daw ay "balansehin" ito sa kapasidad ng employers magbayad.

"Napaka-timely ang panawagan ni Sec. Bello na mag-meet ang tripartite wage board para pag-usapan kung kailangan na bang i-adjust ang minimum wage ng ating mga kababayan," ani Lacson.

"So dapat talaga pag-usapan natin kung dapat i-adjust ang ating minimum wage earners."

Marami raw sa mga manggagawang nakakasalubong ngayon nina Lacson at vice presidential candidate at Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang umaaray na dahil sa taas ng bilihin na dati nang pinalalala ng inflation.

Una nang sinabi ni Bello na malaking hamon at pag-a-adjust ng wage level dahil hindi ito pwedeng masyadong mababa para maproteksyunan ang mga manggagawa ngunit hindi rin pwedeng masyadong mataas dahil sa epekto nito sa mga may ari ng negosyo.

2022 NATIONAL ELECTIONS

ELMER LABOG

INFLATION

KILUSANG MAYO UNO

MINIMUM WAGE

OIL PRICE HIKE

PANFILO LACSON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with