Lino Cayetano, nanatiling Taguig mayor
MANILA, Philippines — Ibinasura kamakailan ng 2nd Division ng Commission of Elections (COMELEC) ang protesta ni Arnel Cerafica sa pagkapanalo ni Mayor Lino Cayetano bilang alkalde ng Lungsod ng Taguig sa eleksiyon noong 2019.
Sa naturang halalan, tinambakan ni Cayetano si Cerafica matapos mabilang sa kanyang pabor ang 172,710 na boto samantalang 109,313 lamang ang nakuhang boto ni Cerafica. Datapwat ang kalamangan ay 63,357 na boto, hindi nag-atubiling maghain ng protesta si Cerafica.
Sa Order na ipinalabas ng Comelec noong Enero 31, 2022, walang nakitang patunay ng mga iregularidad kagaya ng pamimili ng boto, pag-shade ng mga poll watchers ng mga balota, pamamahagi ng sample ballots, at malfunction ng VCMs (vote counting machines) na nagbigay di-umano ng panalo kay Mayor Cayetano.
Nakita sa mismong mga binuksan at manwal na siniyasat na mga balota na walang iregularidad sa botohan. Bagkus, naitaguyod ng mga nirepasong balota ang malinaw na pagpili ng mayorya ng mga botante kay Mayor Cayetano.
Sa 252-pahinang Order, isinaad ng COMELEC ang pagbusisi ng walong (8) Revision Committees sa mga balota sa 93 pilot protested precincts na katumbas ng 20% ng 467 protested precincts. Sa naunang pagbilang ng VCMs sa 93 precincts, may 33,557 balota ang pabor kay Cayetano habang may 25,463 ang inilista kay Cerafica.
Sa pagsusuri ng Revision Committees, umabot lamang sa 82 dagdag na boto ang nailista kay Cerafica, kaya’t ang dating 25,463 na boto sa kanya ay naging 25,534. Si Cayetano naman ay nadagdagan ng 70 na boto, kaya’t ang dating boto na 33,557 ay naging 33,612.
- Latest