Gobyerno pinagso-sori sa ‘no vax, no ride’
MANILA, Philippines — Inamin kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kailangang humingi ng paumanhin ng gobyerno sa publiko sa idinulot na kalituhan sa pagpapatupad ng ‘no vax, no ride policy’ sa mga pampublikong transportasyon.
Sinabi ni Bello na ‘exempted’ o hindi kabilang ang mga empleyado sa ipinatutupad na polisiya dahil nagbibigay sila ng ‘essential service’.
“I think there’s a reason for us to apologize to the public for that kasi [because], as I was telling Secretary Karlo [Nograles], kailangan pa ng [we need] massive information drive about this policy,” paliwanag ni Bello.
Napanood rin ni Bello ang video ng isang babaeng empleyado na hinuli ng mga awtoridad at hindi pinayagan na makasakay dahil sa isang dose pa lamang ng COVID-19 vaccine ang kaniyang natatanggap.
“Very clear na may mga implementers natin na… in their enthusiasm siguro to protect the public eh nakalimutan nila na exempted ‘yung ating mga workers,” katwiran ni Bello.
Ipinaalala ni Bello na kailangan lamang ipakita ng isang manggagawa ang kanilang company identification card para mapayagan silang makasakay. Mas mainam din kung mayroon silang sertipikasyon mula sa kanilang employer at kailangan nilang magpakita sa kanilang kumpanya.
Ipinatupad ang naturang polisiya sa National Capital Region na nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang katapusan ng buwan. Ito ay kaugnay rin ng kautusan ng Malacañang na higpitan ang galaw ng mga hindi bakunadong publiko upang maiwasan ang pagkalat pang lalo ng virus.
- Latest