Comelec itinangging na-hack ang VCMs
MANILA, Philippines — Habang hindi kinukumpirma kung may naganap na hacking o wala, tahasan namang itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) na natangay ang mga ‘usernames at PINs’ ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa 2022 Elections.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na wala pang ‘independent verification’ na naganap sa ulat na inilabas ng isang pahayagan na na-hack ang servers ng komisyon.
Tahasan niyang itinanggi na natangay nga ng mga hacker ang nasa 6 gigabyte na datos mula sa kanilang server kabilang ang ‘usernames at PINs’ ng mga VCMs.
“The fact, however, is that such information still does not exist in COMELEC systems simply because the configuration files - which includes usernames and PINs - have not yet been completed,” ayon kay Jimenez.
“This calls into question the veracity of the hacking claim,” dagdag niya.
Kasunod nito, tiniyak ni Jimenez na patuloy na tumutugon ang Comelec sa Data Privacy act, at patuloy ang kooperasyon sa National Privacy Commission.
Patuloy naman umanong magsasagawa ng sariling berepikasyon ang Comelec sa ulat ng hacking, partikular sa kung sino ang nag-berepika na may nagaganap na hacking sa kanilang server. Inimbitahan din nila ang may-akda ng balita na makipag-ugnayan sa kanila para matukoy ang sinasabing hacking.
- Latest