Total travel ban vs mga bansang may Omicron variant 'irrational,' sabi ng DOH
MANILA, Philippines — Hindi pa sinusuportahan ngayon ng Department of Health (DOH) ang tuluyang pagsasara ng Pilipinas sa mga bansang nakakitaan na ng kinatatakutang bagong COVID-19 variant na sinasabing mas mabilis kumalat kaysa karaniwan.
Ito ang sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kahit naka-detect ang Pilipinas ng dalawang kaso ng mas nakahahawang Omicron variant sa isang returning overseas Filipino at Nigerian national nitong Miyerkules.
"We cannot close our borders to the rest of the world, na nagkaroon lang ng isang Omicron variant sa isang bansa ay isasara na natin ang ating borders sa kanila," ani Vergeire sa media forum ng DOH, Huwebes.
"We cannot do that."
Una nang iminungkahi ni Dr. Tony Leachon, dating presidente ng Philippine College of Physicians at dating special adviser ng national task force laban sa COVID-19, ang total travel ban laban sa mga naturang bansa.
Kung hindi raw 'yan magagawa, inirerekomenda ni Leachon ang ilang pagbabago sa travel protocols ng Pilipinas gaya ng 21-day quarantine sa mga manggagaling sa mga teritoryo gaya ng Hong Kong.
Matatandaang taong 2020 nang manawagan ang karamihan ng mga senador na magbitiw si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa pag-ayaw niya noon na magsagawa agad ng travel laban sa Tsina noong hindi pa gaano kumakalat ang COVID-19 sa Pilipinas.
Wika naman ni Vergeire, pinag-aaralan naman ng Kagawaran ng Kalusugan ang naturang mga rekomendasyon. Gayunpaman, kailangan daw munang intindihing ibinabalanse ang kalusugan sa mga pangangailangan ng ekonomiya — bagay na lubhang naapektuhan ng mga malawakang lockdown at pagsasara ng mga borders.
"We need to understand kung paano po ito makakaapekto sa ating ekonomiya and our foreign relations," saad pa niya.
"Of course, public health pa rin lagi ang priority natin. Pero sa tingin natin, sa ngayon, it is not rational for us to close our borders to countries na meron lang kahit isang [kaso]."
Kadalasan naman daw kasi ay "imported cases lang" ang mga estadong may paisa-isang Omicron infections.
Mas dapat daw iprayoridad sa ngayon na isara ang borders ng Pilipinas mula sa mga bansang may "local transmission" ng Omicron variant: "Ibig sabihin, kumakalat na po 'yung sakit sa kanilang bansa," paliwanag pa ng DOH official.
COVID-19 protocols ngayon 'sapat' vs Omicron
Hindi pa naman daw kinakailangan sa ngayong baguhin ang mga panuntunan ng gobyerno laban sa pagharap sa COVID-19 kahit na nakapasok na ang Omicron sa Pilipinas, banggit pa ng gobyerno.
Palagian naman daw kasing ine-evaluate ang mga protocols ng mga dalubhasa mula sa inter-agency task force for COVID-19 variants.
"Base po sa siyensya at ebidensya na kanilang pinag-aralan, ito pong current protocols natin ay enough for now para po mapigil po natin ang pagpasok ng mga variants na ito," sabi pa niya. Agad naman daw irerebisa ang mga polisiya ng gobyerno kung sakaling makita nitong kailanganin ito.
Sa ngayon, aabot na sa 2.83 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon. Patay naman na ang 50,449 katao mula dito.
- Latest