^

Bansa

Top spender?: Domagoso itinanggi P305-M gastos sa pre-campaign TV ads

James Relativo - Philstar.com
Top spender?: Domagoso itinanggi P305-M gastos sa pre-campaign TV ads
Litrato ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, Nobyembre 2021
Released/Manila Public Information Office

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng isang presidential aspirant sa 2022 national elections ang paggastos ng daan-daang milyong pisong patalastas sa telebisyon, dahilan para tanghalin siya ng isang report na "pinakagastador" sa kategoryang ito kumpara sa kanyang mga katunggali.

Inilabas kasi ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa isang ulat noong Nobyembre na aabot sa P305.9 milyon ang ginastos ng kampo ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa telebisyon mula pa Setyembre — pinakamalaki kumpara sa ibang presidential bets.

"As far as I am concerned, no," ani Domagoso sa isang artikulo ng ABS-CBN News, Huwebes.

Ibinatay ng PCIJ ang kanilang mga datos sa inilathalang rate card diumano ng Nielsen. Sa mga naghain ng certificate of candidacy sa pagkapangulo sa 2022, lumalabas ang ganitong pagkakasunud-sunod ng perang nagastos mula Enero hanggang Setyembre:

  • Domagoso (P305.97 milyon)
     
  • Sen. Panfilo "Ping" Lacson (P182.13 milyon)
     
  • Bise Presidente Leni Robredo (P120.06 milyon)
     
  • Sen. Manny Pacquiao (P890,000)
     
  • dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (P166,000)
     
  • Sen. Christopher "Bong" Go (P132,000)

"Manila Mayor Francisco 'Isko Moreno' Domagoso became the top spender among presidential aspirants. He started spending on TV ads in September, running 227 spots worth P305.9 million based on rate cards," ayon sa PCIJ.

"Moreno previously published print ads worth P17,820 in March."

Hindi tulad ng ibang kakandidato sa pagkapangulo, ibinuhos naman daw ni Robredo ang malaking pera sa radyo, dahilan para manguna siya sa paggastos sa naturang platform (P57.8 milyon, 1,602 spots).

Ang lahat ng ito, nangyayari bago pa ang opisyal na campaign period para sa mga presidential, vice presidential, senatorial at party-list race (ika-8 ng Pebrero, 2022).

'Welcome lahat ng tulong'

Bagama't itinatanggi ni Domagoso ang paggastos ng ganoong kalaking pera sa pangangampanya, inilinaw niyang tatanggapin naman niya ang lahat ng gustong umambag sa kanyang kandidatura.

"Naghahanap ako ng lahat ng klase ng tulong at kung maraming nag-aadvertise for me, thank you very much," dagdag pa niya.

"I am happy to receive any help. Kailangan ko lahat ng uri ng tulong. Anybody who will help will be highly appreciated."

Sa ngayon, malaki na raw ang magagawa ng pag-text ng kanyang mga supporter sa mga kaibigan at kamag-anak patungkol sa kanyang mga plataporma at presidential bid.

Ang usapin tungkol sa malaking paggastos ay nauungkat kahit na kasama lagi sa kanyang kampanya ang pagiging mahirap (basurero at pedicab driver) bago palarin sa showbiz.

Pagbabawal sa patalastas

Una nang hinamon ni Ka Leody de Guzman, na makakatunggali ni Domagoso sa parehong pwesto, ang Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang political ads na nagagamit sa "premature campaigning." Susi raw ito para maging patas ang laban at hindi mapaboran ang mayayamang may panggastos.

"Nananawagan tayo sa Comelec na ipagbawal ang lahat ng komersyalisadong pulitikal na advertisement," ani De Guzman nitong Nobyembre.

"Sinasamantala ng mapeperang mga kandidato ng mga bilyonaryo ang kawalan ng batas laban sa premature campaigning. Nalulunod na sa mga political ad ang TV, social media, at radyo. Mas marami pa sa mga komersyal ng sabon at shampoo."

Dagdag pa niya, kailangan daw kasing mabigyan ng tiyansang lumaban ang mga kwalipikadong lider sa halalan kaysa manaig ang pagpapaulan ng pera.

Matatandaang sinabi ng Comelec na hindi pa makapagkakaso pagdating sa mga electoral offenses bago ang opisyal na campaign period.

2022 NATIONAL ELECTIONS

COMMISSION ON ELECTIONS

ISKO MORENO

PHILIPPINE CENTER FOR INVESTIGATIVE JOURNALISM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with