Mahalaga ang SIM Card Registration Act - Yap
MANILA, Philippines — Inihayag ni Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist Rep. Eric Go Yap ang kahalagahan ng pagpapasa ng House Bill No. 5838 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act.
Ito’y dahil na rin sa patuloy na mga fraudulent acts o panloloko na ginagawa ng ilang indibidwal sa mga delivery riders, na kabilang sa mga essential workers ng bansa ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Yap, sa simula pa lamang ng COVID-19 pandemic ay marami nang Pinoy ang umasa sa mga delivery services, gaya ng Grab at Food Panda, upang magpadeliber sa kanilang tahanan ng pagkain at iba’t ibang item na kanilang binili, at hindi na nila kailanganin pang magtungo ng personal sa mga tindahan upang makaiwas na mahawahan ng virus.
Gayunman, dahil aniya sa pagtaas ng demand sa naturang serbisyo, naging easy target naman ang mga naturang delivery riders ng mga scammers.
“Ilang beses na may nababalitaan o mismong lumalapit sa atin na naging biktima ng gawaing ito. Mayroon na magbo-book, cash on delivery, tapos ipapadala sa pekeng address. Ang nangyayari, dehado ang ating drivers kasi pera nila ang ginamit tapos wala naman pala talaga yung bibili,” ayon kay Yap.
“Minsan naman nasosolusyunan dahil may mga bumibili naman o sumasalo ng mga na-fake booking. Pero hindi ito sustainable. Kailangan mapanagot natin ang mga scammers na ito. Sa pamamagitan ng HB 5838 na isinumite namin ni Cong. Paolo Duterte, mas mapapabilis na ang pag-trace sa mga scammers na ito,” giit pa niya.
- Latest