Fuga Island, magiging Province of China na?
MANILA, Philippines — Nababahala ang mga residente ng Aparri, Cagayan sa posibilidad na maging probinsiya ng China ang Fuga Island dahil sa walang humpay na pagtatayo ng istruktura ng mga negosyanteng Intsik sa naturang lugar.
Ayon sa grupong Kilos Pinoy Para Sa Pagbabago, nakakalungkot na tila mas pinapaboran umano ng lokal na pamahalaan ang China at napapabayaan ang mga residente ng Cagayan.
Napaulat na nagtatayo ang Tsina ng $2 bilyon na halaga na “smart city” sa Fuga Island. Bukod ito sa investment ng Tsina na $12.16 bilyon sa Grande at Chiquita islands sa Subic Bay sa Zambales.
Dahil dito sinabi ng grupo na dapat kaagad imbestigahan ng Senado ang isyu sa Fuga Island at kung ano ang kapalit ng investment ng Tsina sa Pilipinas.
Matatandaan na noong Agosto 2019, nagbigay ng babala ang Department of National Defense ukol sa napipintong investment ng Tsina sa Fuga, Grande at Chiquita island.
Noong nakaraang taon, sumulat ang KPPP sa embahada ng Tsina upang iparating ang hindi pantay na sweldo at pribilihiyo na tinatanggap ng mga trabahador na Pinoy kumpara sa Chinese workers sa mga infrastructure projects sa Maynila.
- Latest