9,950 Pinoy umuwing Pilipinas galing 'COVID-19 travel restricted areas'
MANILA, Philippines — Bagama't kinukumpleto pa raw ang mga datos mula sa Bureau of Quarantine (BOQ), halos 10,000 Pilipino na ang umuuwi ng Pilipinas kasunod ng mga ipinatutupad na "travel ban" sanhi ng pagpigil sa pagkalat ng mga bagong coronavirus disease (COVID-19) variants.
Ito ang ibinunyag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes, matapos umabot sa 35 ang bansa't teritoryong isinasara ng Pilipinas mula sa mga dayuhan.
"As of this time, what we got, was the 9,950 total arrivals from all of these restricted countries.," pagbabahagi ni Vergeire sa media.
"So itong [bumiyahe] via air was 9,611, and via sea was 339."
Pinapayagan pa rin ang pag-uwi ng mga nasabing Pilipino kahit nagmula sa 35 territories na may mas nakahahawang COVID-19 variants basta't sumailalim ng "absolute" 14-day quarantine at swab tests.
Basahin: 'Bagong COVID-19 variants': Ano ang mga 'yan at bakit delikado, kinatatakutan?
Ilalathala naman daw sa lalong madaling panahon ng DOH ang kumpletong detalye at quarantine status ng libu-libong umuwi oras na makuha ang mga kinakailangang datos.
"We are still trying to consolidate all of these number because as you know, BOC, meron pang units of government that are also working together with BOQ," patuloy ni Vergeire.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang maitala ang unang United Kingdom COVID-19 variant sa Pilipinas matapos itong matagpuan sa isang 29-anyos na Pilipino na galing United Arab Emirates (UAE).
Biyernes nang isama ng Pilipinas ang bansang UAE at Hungary sa dati'y 33-country travel ban, bagay na iiral hanggang sa ika-31 ng Enero, 2021.
Basahin: Philippines travel ban on over 30 countries extended
May kinalaman: Philippines confirms first case of new COVID-19 variant
Sa huling ulat ng pamahalaan nitong Linggo, lagpas kalahating milyon na o 500,577 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 9,895 na ang namamatay.
Maliban sa pagpasok ng UK COVID-19 variant, na hanggang 70% na mas nakahahawa, nangyayari ito kasabay ng inaasahang pagsipa sa mga bilang ng mga kumpirmadong bilang ng nadali ng sakit matapos ang Christmas at New Year celebrations.
- Latest