Go: LGUs na sinalanta ni ‘Ulysses’, dagdagan ang calamity funds
MANILA, Philippines — Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tulungan ang mga local government units na naapektuhan ng Typhoon Ulysses sa pamamagitan ng pagdaradag ng pera sa calamity funds na katumbas ng 1% ng Internal Revenue Allotment ng mga ito.
Nauna rito, nagtagumpay si Go sa kanyang apela sa budget department na dagdagan ang pondo ng mga LGUs na pinadapa ng Super Typhoon Rolly na nanalasa sa maraming lugar sa Luzon, partikular sa Bicol at Timog Katagalugan.
Ayon sa senador, maraming LGUs ang natuyuan na ng calamity funds dahil sa hindi inaasahang pandem-ya na idinulot ng COVID-19 na hanggang ngayo’y patuloy na nakaaapekto sa buhay ng maraming Filipino.
Ani Go, malaki ang magagawa ng karagdagang pondo upang mapunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad, lalo’t nabawasan na ang kanilang naunang pondo dahil sa pandemya.
Ipinayo ni Go sa executive department na pag-aralan ang posibilidad ng kanyang panukala para makabangon ang LGUs, depende sa lawak ng kanilang nasasakupan at sa availability ng pondo.
Samantala, patuloy si Sen. Go sa pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng nakaraang bagyo sa San Mateo at Rodriguez, Rizal.
Una na ring personal na binisita ni Go ang dalawang nasabing bayan para alamin ang kalagayan ng mga residente.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Go na hindi sila titigil ni Pangulong Duterte sa pagtulong sa mga kababayang nasasalanta ng kalamidad para sila’y muling makabangon.
- Latest